Mga Gintong Kwento
If you are reading this note, you must have accessed this page directly through a bookmark or an external link. Please be advised that www.mnnetherlands.com recently underwent a re-structuring and that this page has been renamed and moved to a new directory, and will eventually be phased out. Click the SEARCH button below to locate this page's upgraded version.


Si Pareng Leoncio
Scarborough, Ontario, Canada
November 29, 2009
 
 
Tandang-tanda ko ang ilan sa mga nakiiyak at nakaaawa at malulungkot na karanasan namin ni Pareng Leoncio.

Noong kami ay nasa mataas na paaralan ang aming klase ay nahahati sa apat na pangkat. Ang mga babae ay nahahati sa dalawa: Pangkat Susan Roces at pangkat Amalia Fuentes. Ang mga lalake ay nahahati rin sa dalawa: Pangkat mahirap at pangkat maykaya o may kaya-kaya o nagpapanggap na may kaya.

Kabilang kami ni Leoncio sa pangkat mahirap o pangkat ng mga kaawa-awa.

Sa vacant period kami ang mga nakaupo sa ugat ng malalaki, madahon at malilim ng puno ng akasya o sa gilid ng hagdan nang higanteng gusali sapagkat ang aming maliit na baon na singko sentimos ay hindi sapat upang magmiryenda sa cafeteria at uminom ng coke o pepsi o seven-up o mirinda o cosmos. Ang aming maliit na baon ay sapat lamang upang kami ay uminom upang ang aming natutuyong lalamunan ay mabasa sa dilig ng singkong buko o gulamang “sa malamig.”

Ang iba sa aming pangkat ay may katutubong dunong ngunit hindi malalagay sa honour roll at ang pangalan ay hindi mapapaskel sa bulletin board sapagkat sila ay salat sa perang kailangan upang tumustos sa gastos na dulot ng mga extra-curricular activities.

Kami ang mga teen-ager na nagsisimula ng magka-crush, umibig at kuwanan, ngunit hindi makaligaw sapagkat kami ang mga kimi, mahiyain at may inferiority complex na siyang masakit, malungkot at mapait na bunga sa pagkakagumon sa kahirapan. Ang ilan sa amin na hindi mahiyain ay hindi rin makaligaw. Natatakot at nangangamba sila na baka magkayayaang magmiryenda sa cafeteria ay ikaw ay mapahiya sapagka’t nanliligaw ka na pala ay hindi mo kayang pamiryendahin ang iyong nililigawan. Ito ang panahong sa paglakad kasama ang nililigawan at ang kaniyang pangkat ng mga kaibigan ay tungkulin ng lalaking nanliligaw na saguting lahat ang gastos.

Sa panahong ang mga katawan ng pangkat may kaya ay nababalutan ng pinatahi at plantsadong pantalon at poloshirt na deretso at tuwid ang mga liston at ang kanilang malilinis na mga paa ay nasusuutan ng sapatos na Custombuilt at ang ibang may kapatid na US NAVY ay nakasuot ng Converse, kami na pangkat mahirap ay nasusuutan ng bentang pantalon at kamisetang markang Manok at gumagamit ng sapatos na Elpo o Marcelo.

Ang aming maliit at dampang bahay ay may layong mga limang kilometro sa mataas na paaralang aming pinapasukan. Ang layong ito, sa karaniwang pagkakataon ay bihirang lakarin ninuman nguni’t kami ni Leoncio sa kawalan ng diyes sentimos na pasahe sa jeepney ay walang pagpipilian kundi maglakad tag-ulan man o tag-araw.

Kung tag-ulan ang aming ulo at katawan ay napapayungan nang pinatuyo at nilalang dahon ng niyog na kung tawagin ay salakot. Bilin sa amin ng aming mapagpala at butihing ina ay huwag kaming magbabasa ng likod o kung nabasa man ay huwag naming babayaang matuyo sa aming marupok na katawan ang nabasang damit sapagka’t baka kami ay mapulmonya at maging sanhi ng aming maagang kamatayan sapagka’t hindi niya kaming dalhin sa ospital upang ipagamot. Kung tag-araw at ang sinag nang nagbabagang araw ay nagdudulot nang nakapapaso, nakasusunog at nakaiitim na init , kami ay sumisilong sa lilim at anino nang nakatayo at nagmamalaking mga punong kahoy. Sa pagkakatayo ang mga puno ay nagmamayabang at nagmamalaki sapagka’t sila lamang ang hindi sumusuko sa parusang dulot nang walang awang kalikasan.

Sa isang nagbibinata ang mga ito ay isang kahiya-hiyang tanawin nguni’t kami ay hindi nahihiya.

Kung may diyes man kami, ito ay aming titipirin sapagka’t ang diyes sentimos sa panahong iyon ay sapat na upang kami ay makabili nang nakabubusog na pananghalian: singkong kanin at singkong bukayo o singkong kariba o singkong saging bilang ulam. Sa panahon ng kahirapan ito ay sapat na na ang nagugutom na sikmura ay malagyan ng pagkaing lunas. Kung kulang man sa Vitamins o Minerals ang aming kinakain ito ay hindi namin iniisip, sapagka’t ito ay isang karangyaang ang mayaman lamang ang may karapatan.

Minsan sa aming paglalakad pagkatapos ng aral kami ay hinarang at nakatuwaan nang walang magawa at nag-iinumang mga sampung istambay.

Suot noon ni Leoncio ang katad at lumang sapatos na minana niya sa kaniyang matangkad at may malalaking mga paang panganay na kapatid. Size 8 ang kaniyang mga paa at ang kaniyang kuya ay size 11. Sa haba at sa lapad ay kapuna-puna ang hindi angkop na laki at lapad ng sapatos sa kaniyang mga paa nguni’t sa tulong nang binalukos na luma at sirang medyas na naging basahan at isinaksak sa dulo ng sapatos ang tila bangkang sapatos ay sumikip at nagkasya sa kaniya at sa kaniyang paglakad ay hindi na siya nangangamba na baka iyon ay matanggal sa pag-imbay ng kaniyang mga paa.

Nguni’t kapuna-puna ang laki at haba nang lumang sapatos.

Ito ang dahilan kung bakit kami ay nakatuwaan ng mga nag-iinuman at walang magawang mga isambay.

Hinarang kami nang dalawang istambay.

“Mga pare…Halika nga…may itatanong lang kami sa inyo,” nakangising sabi nang nagtatapang-tapangang istambay. Halatang siya ay matapang sa tulong ng espiritu ng alak. Maraming nagagawang hiwaga ang alak: Napatatapang ang duwag. Napasasaya ang malungkot. Napatutulog ang hindi makatulog. Nagiging madaldal ang tahimik. Nagiging magkaibigan daw ang dating magka-away.

Nangangambang baka kami ay gulpihin at bugbugin sapagka’t ang tao ay lalong tumatapang kapag marami ang kanilang bilang at gustong magpasikat sa mga kasama sa barkadahan. Alinlangan man kami ay marahang sumama at lumapit sa mesang naiikutan at pinagdarausan nang walang katuturan at pinag-aaksayahan ng panahong inuman. Sa mga walang magawa ang inuman ay isang pamamaraan upang pagdausan nang walang paggamitang panahon.

Marahang tumayo ang lasing at namumulang pinakapuno ng mga nag-iinumang istambay at inakbayan si Leoncio sa balikat.

“Pare…gusto lang naming malaman kung saan mo binili ang suot mong sapatos.” Tumigil siya sa pagsasalita at huminga nang malalim. Sa mahina at nangungutyang boses siya ay nagpatuloy. “Kasi …gusto rin naming bumili.”

Tawanan. Halakhakan.

Namumula sa kahihiyan, iniyuko na lamang ni Leoncio ang kaniyang ulo sapagkat alam niya na sa pagkakataong iyon ay wala kaming magagawa.

Kay lupit ng tao. Kay sama ng tao. Nasa isip ko noon.

IISA lang ang babaeng inibig at minahal ni Leoncio.

Bago pa lamang kami nagti-teenager ay halata ko ng may crush si Leoncio kay Olivia. Madalas sa aming malumanay na pag-uusap ay hindi siya nakikinig nang taimtim at malikot ang kaniyang mga mata sapagkat siya ay limiligaw ng ligaw-tingin kay Olivia. Ito ang panahong makita mo lamang ang buhok ng babaeng iyong iniibig ay maligaya ka na at para ka nang nakarating sa ikapitong langit. Ito ang panahong marinig mo lamang ang pangalan ng iyong sinisinta ay bumibilis ang pintig ng iyong puso at lumalakas ang kaba ng iyong dibdib. Ito ang panahong tinatawag nang maraming “ligaw-tingin - kuwan sa hangin.”

Iyo’y ibang klase ng panliligaw. Ito’y higit sa panunuyo kaysa panliligaw. Maglilimas kami ng balon at pagkatapos naming hatiin ang aming mga huling isdang bukid ay itatabi niya ang pinakamalaking dalag at pinakamatabang hito upang ibigay kay Olivia. Malapit nang magpatanim ang ama ni Olivia at heto na si Leoncio, pasan ang suyod at hatak ang kalakian upang tumulong sa paglilinang. Sa araw ng patanim, hila nang masiglang kalakian ang karetang puno ng punlang palay upang ibudbod sa tatanimang putikang linang. Oras ng miryenda at darating sina Olivia, sunong ang inihandang miryenda at ito ay buong siglang sasalubungin ni Leoncio upang tulungan ang dalagang nililiyag.

Mahigit na limang taon nagpakahirap na nanuyo si Leoncio bago siya sinagot ni Olivia.

Iyo’y isang kasalang salat sa karangyaan nguni’t sagana sa kaligayahan. Mahirap sina Leoncio at alam ng mga taong hindi nila kayang magdaos kahit na ng isang pangkaraniwang kasalan ng hindi mababaon sa utang.

Ngunit balita sa kabaitan ang pamilya nina Leoncio. Kilala sila sa pagiging mahabagin, matulungin at mapagkawanggawa. May ginagawang bahay sa aming baryo at heto na ang ama ni Leoncio, dala ang kaniyang gamit pangkarpintero upang tumulong. May pabinyag sina Nana Maria at heto na ang nanay ni Leoncio upang tumulong sa paggawa ng bibingka, suman at iba pang kakanin. Ikakasal ang anak ni Tata Juan at heto na ang nanay ni Leoncio bitbit ang isang bagong kahuhuling dumalaga.

Nagtulong-tulong ang mga tao sa aming baryo upang idaos ang isang nakaiiyak at sagad sa pagmamahal na kasalan. Iyo’y isang kasalan na makikita mo na dito pala sa mundo ay marami pang nalalabing mababait na tao. Na ang tao sa kabila ng kaniyang angking kahinaan ay mayroon pa ring natitirang kabaitan. Sa kasalang ito lumabas at lumutang ang kabaitan ng tao.

Labing walong buwan ang lumipas bago nagkaroon ng anak sina Leoncio at Olivia.

Iyo’y isang madugong panganganak na ginampanan nang isang butihing manggagamot.

Sa isang sulok ng silid na kinalalagyan ni Olivia sina Leoncio at ang mahinahon at butihing manggagamot ay nag-uusap. “Ligtas na ang iyong maybahay,” mahina at halos pabulong na wika nang butihing manggagamot. “Mapalad tayo at may dugong nakahanda…kung hindi natin nasalinan ka’gad ay baka hindi na natin siya nailigtas.”

Ang luha ni Leoncio ay nagsimulang tumulo.

“S’yenga pala, para mabawasan ang iyong mga pag-aala-ala, huwag mo nang intindihin ang ibabayad mo sa akin.”

Bumilis ang patak ng luha ni Leoncio.

“Hindi ko kayang pigain ang isang taong wala nang ikakatas. Dalhan mo na lang ako nang sariwang gatas ng iyong kalabaw sa Pasko ay sapat na.”

Lalong bumilis ang patak ng luha ni Leoncio.

Iyo’y isang batang lalaki na kung paniniwalaan mo ang sabi ng matatanda ay nag-aangkin ng mga katangian upang maging matagumpay: maamong mukha, malago at maiitim na buhok, malapad na noo, kulay kayumanggi na ang panlabas na kaanyuan ay kinuha sa kanilang dalawa.

Dito ko naging kumpare si Pareng Leoncio.

Ang bawat tao ay iba. Ang tao ay may kani-kaniyang paraan ng pamumuhay. May taong madaling lumigaya na kaunting biyaya lamang ay sapat na. May tao namang bundat na ang tiyan at luwa na ang mga mata sa kasakiman ay hindi pa maligaya.

Si Pareng Leoncio ay madaling lumigaya.

Maraming paraan para matakasan ang parusang dulot ng kahirapan. Ang sa akin ay ang pangingibang bansa. Sa Canada ako humantong.

Dalawang linggo bago ako umalis kami ay nag-uusap.“Pare, anong balak mo?”

“Dito na lang ako. Sasakahin ko na lang ang maliit naming lupa. Tama na sa akin ito. At saka baka hindi angkop doon…mahina akong mag-English. Kuwentuhan mo na lang ako sa mga karanasan mo sa mga…alam mo na.”

Hindi ko pinutol ang ugnay kay Pareng Leoncio. Sa aming pagpapalitan ng liham ay marami akong tinanggap na magagandang balita tungkol sa aking inaanak. Marunong ang aking inaanak. Mabait ang aking inaanak. Matapang ang aking inaanak. Nagbibinata na ang aking inaanak at maraming nagkakagusto nguni’t hindi pansin sapagka’t gusto munang makatapos ng pag-aaral para makatulong sa mga magulang.

Labinlimang taon na ako sa Canada at sa panahong ito ay mabilis ang paggapang ng industriya. Kinamkam ng mga pagawaan at mga subdivision at mga tindahan at mga paaralan at iba iba pang uri ng pangangalakal ang mga palayan. Dumagsa ang dating ng tao na nanggaling sa ibat’t ibang bahagi ng Pilipinas: Bisaya, Mindanao, Bikol, Luzon, Palawan. Humalo ang mga takas: takas sa bilanguan, takas sa pinagkakautangan sa mga utang at takas sa asawa. Dumating silang lahat upang sa ibang lugar ay mabigyang katuparan ang kanilang pangarap.

Ngunit hindi lahat ng pangarap ay natutupad.

Sa gilid ng riles ng train, at sa pampang ng mga patubig at sa gilid ng bakod ng mga gusali ng pamahalaan ay tumayo ang mga barong-barong ng mga squatter. Nawala ang dating agos nang malinis at malinaw na tubig sa mga sapa at mga ilog sa pagbara ng mga naipong basura: plastic, lata, kahoy, dumi ng tao, dumi ng hayop, bakya, tsinelas, lumang sapatos, buto ng manok, buto ng baboy, dahon ng saging, kinakalawang na bakal. Sa buga ng amoy nang naipon at nabubulok na basura ang kapaligiran ng mga gusali ng pamahalaan ay sumangsang ang amoy ng dating sariwang hangin.

Isa si Pareng Leoncio sa mga nabawian ng saka. Ang kanilang saka ay binawi upang magbigay daan sa isang industrial complex na ayon sa pamahalaan ay magdudulot ng kasaganaan sa mga mamamayan sa aming bayan.

Maliit ang nakabahagi ni Pareng Leoncio upang siya’y makapagpundar nang isang may kamahalang panghanap-buhay. Hindi sapat iyon upang makabili nang isang jeepney o makapag-umpisa ng isang di kalakihang tindahan sa kabayanan.

Sa kawalan nang makitang maganda-gandang trabaho at sa patuloy na hatak ng pangangailangan walang nagawa kundi gamitin ni Pareng Leoncio ang maliit na halagang kaniyang nakahati sa ibenentang saka sa pagbili ng tricycle.

Siya ngayon ay isa sa daan-daang nagpapasada ng tricycle. Isa siya sa mga nag-aari ng isang maliit na yaman sa daigdig ng kahirapan.

Ang mga tricycle na ito na kulay itim at kulay pula at kulay puti at kulay asol at kulay berde at ang iba ay nababalutan nang iba’t-ibang kulay na pinagsama-sama at pinagpatong-patong. Ang tricycle na ito ay nagbubuga ng usok ng kamatayaan. Mga usok na kulay puti o kulay asul o kulay itim ayon sa kondisyon ng mga makina nito. Mga usok na kapag nilanghap mo ay papasok sa iyong ilong at tutuloy sa iyong baga at unti-unti nitong lalasunin at wawasakin ang mga pinakamaselang bahagi ng ating lupa at marupok na katawan.

Ang tricycle na ito na karaniwan ay sinasakyan ng masang mahihirap ay pinatatakbo at minamaneho nang mahihirap ding tao na kung tawagin ay tricycle boy. Sila ay lumalanghap ng usok ng kamatayan. Sila ay nakabilad sa nakapapasong init ng araw kung tag-araw at nakasahod sa tulo at patak nang mapagpala at kung minsan ay mapagparusang ulan kung tag-ulan. Ang tricycle boy na ito na kikita nang maliit na halaga upang makabili nang kaunting bigas at kaunting ulam upang malagyan ang nagugutom nilang tiyan, na kung may matira man sa maliit nilang kinita ay gagamitin nila sa mga pangangailangan ng kanilang mahirap at nagdurusang buhay.

Ang tagal ng pamamasada ni Pareng Leoncio ay ayon sa hatak ng kanilang pangangailangan. At sapagka’t ang aking inaanak ay nasa kolehiyo na at kumukuha ng engineering ay lumaki na rin ang kaniyang gastos. Madalas ay naglalamay si Pareng Leoncio sa pamamasada. Sa gabi siya medyo malakas kumita sapagka’t madalang ang jeepney na kaagaw niya sa pasahero.

Pagkuwa’y humulog ang katawan ni Pareng Leoncio sa sobrang puyat nguni’t hindi niya ito alintana. Sa kaniyang isipan ang namamayani ay ang matalino, masigasig at nangunguna sa klaseng anak na pinag-aaral.

Nagtapos ang aking inaanak magna cum laude. Tatanggap din siya nang maraming mga karangalan at papuri dahil sa pagsali sa mga extra-curricular activities at sa pamumuno sa iba’t ibang samahan.

Sa panlabas na kaanyuan iyo’y isang marangya, masaya at maligayang palatuntunan.

Abot hanggang tainga ang ngiti ng mga nagsisipagtapos. Suot ng mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, mga kaibigan, mga kasintahan at mga alipores ang pinakamaganda at pinakamahusay na mga damit at sapatos. Sa mga maykaya ito’y mga sinadyang pinatahi upang umangkop sa pagdiriwang. Sa mga mahirap ito’y inilabas sa matagal na pagkakatago sa mga baol at mga tampipi. Sa mga mahirap, maaring ang susunod na paggamit nito ay sa oras na ng kanilang kamatayan. Ang mga mahirap tulad din ng mayaman ay gustong magmukhang maganda sa oras ng isang mahalagang pagdiriwang o sa oras ng kanilang huling sandali.

Suot ni Pareng Leoncio ang kamisadentrong kulay puti na bigay ko sa kaniya na sa aking pagtaba at paglaki ng tiyan dahil sa pagkain ng kung anu-anong junk food ay sumikip na akin. Sa sukat na taas kami ay patas, ngunit dahil sa ako ay mataba at siya ay payat ako ay nagmukhang malaki at siya ay nagmukhang maliit. Maluwag ang lapat sa kaniyang katawan nang nasabing kamisadentro, nguni’t sa pagkakataong ito ay ito ang pinakamaganda at pinakamaayos niyang maisusuot. Lumutang ang pagkasunog ni Pareng Leoncio sa pagkakasuot ng puting kamisadentro.

Dumating ang palatuntunan at ginampanan ng mga kabilang ang kanilang mga papel.

Dumating ang papel ng aking inaanak at ang kaniyang makahulugang salita ay nilunod nang nakabibinging katahimikan. Kinilabutan ang mga tao at ang mga may mababang luha ay tumulo nang sabihin ng anak ni Pareng Leoncio kung paano iginapang at tinustusan ng kaniyang mga magulang ang isang magastos na pag-aaral.

Sa kaniyang pagtatapos ay nayanig ang bulwagan sa ugong na dala nang umaatikabo at masaganang palakpakan.

Sa pagkakaupo, ako umiiyak. Nilingon ko si Pareng Leoncio. Siya ay humahagulhol.


 

Rene CALALANG
August 4, 2007
Scarborough, Ontario