Sa Ating Wika
Sa Ating Wika
Update Issue - February, 2008
The Netherlands
February 12, 2009
 
 
NAGBABAGONG KLIMA SA PILIPINAS, nitong nakaraang dalawang buwan nagsisidaing ang mga naninirahan sa Baguio dahil sa tindi ng ginaw, 8-sentigrado. Di pa umano sila nakadanas ng pangangatog sa ginaw. Dahil hindi naman nangyayari ito, walang central heating ang mga bahay. Suot daw nila ay patong-patong at nakabalabal ng makapal.

Naitanong namin sa sarili, paano na lang yong mga taga Cordillera na hubad ang kalahati ng katawan at nakatapak. Sinasabing magtatagal pa itong lamig.

-------------

CENAKEL, UTRECHT NA KOMBENTO MALAMANG ISASARA na sa gitna ng taon dahil puspos ang mga madre sa St. John sa paghanap ng sponsors na magaabuloy upang mabili nila ang kombento.

Ang mga Pilipino sa Utrecht at maraming siyudad gaya ng Amsterdam, Haarlem, Rotterdam, gayundin mga Nederlander na nakatira sa Utrecht ay nanghihinayang naman sa pagalis ng Cenakel.

Para naman sa Pilipino ito ay itinuring nilang simbahang Pilipino kaya sinisimbahan at kinakantahan ng kanilang mga koro tuwing unang linggo ng buwan. Ayon sa kanila, “ang Cenakel sa Utrecht ay nakakatulong sa pagpapalakas at paglago ng aming paniniwala sa Diyos.” Pati na ang mga nakatira sa paligid ng Cenakel ay nakaramdan ng kapayapaan ng kalooban dahil nawala ang mga magugulo doon.

Nakakalungkot, wika ng mga kababayan, na upang makatipid ay sasarahan ang konbento at ililipat ang mga madreng Pilipina sa malayong konbento sa Steyl.

-----------------

15,000 NAWALAN NG TRABAHO, 19,000 INIKLIAN ANG ORAS ng trabaho noong nakaraang Disyembre hanggang sa kahalatian ng buwan ng Enero. Malamang pa diumano magpatuloy ang ganitong situasyon. May mga nagsasara ng opisina ng elektronika at marami pang kompanya ang sinasabing malamang magsara.

Ang Philippine Economic Zone Authority ay magtatanggal naman ng 12,500 trabaho.

Ang solusyon ni pangalawang pangulo Noli de Castro dito ay pahintulutang muli na magtrabaho ang Pilipino sa Iraq. Suriin anya, kung dapat nang tanggalin ang ban na magtrabaho sa naturang bansa At, may mungkahi na tanggalin na rin ang pagbabawal ng pamahalaan na magpunta ang Pilipino sa Lebanon upang magtrabaho.

Nagkaroon ng ban ang pamahalaan noong matindi ang labanan sa naturang dalawang bansa.

Ito na lang ba ang solusyon sa krisis ng mga halal na opisyal. Saan ginagastos ng mga kinatawan ng kongreso at senado ang P70 milyong pork barrel (priority development assistance fund) na tinatanggap nila taon-taon. Bakit di mabigyan ng tulong ang tao sa kanilang distrito sa pagpapalago ng industriya, pagsasaka kung may bukirin at training na magkapagumpisa ng sariling kabuhayan.

61 KASAMA NAKARAANG PAGLALAKBAY NI PANG. GMA sa Switzerland, Italia, Saudi Arabia at Bahrain. Ngunit, 20 lamang ang isinama sa Washington, upang mag-“attend” ng National Prayer Breakfast ng bagong Pangulo ng Amerika, Barak Obama, pahayag ni Executive Secretary Eduardo Ermita

Ang nagastos sa paglalakbay P123 milyon, ayon na rin kay Kalihim Ermita. Mas malaki naman diumano ang nakuhang kapalit dahil may pangako daw na $200 milyon na “assistance” ang Saudi, at mayroon ding para sa hotel na prohekto sa Makati. Naayos din, wika ni Kalihim, na mag-export ng textile sa Amerika.

Saka, dahil din daw sa pakikipulong ni pang. GMA sa mga opisyal sa Amerika ay malalagdaan ang Veterans Bill na makikinabang ay mga nagsundalong Pilipino. Ngunit, hindi naman siya hinarap ng bagong pangulo ng Amerika.

Ang tanong: kailangan bang pangulo ang manghingi ng ”assistance” at makipagusap tungkol sa pangangalakal. Hindi ba kaya ng mga sugo ng Pilipinas sa mga naturang bansa. At bakit ganitong karami ang kasama. Kay daming nawalan ng trabaho at marami pang mawawalan. Naghihirap ang bayan, kailangan ang kuwalta sa mga programa at prohektong pangkabuhayan.

----------------------

LONGGANISA SA PINAKBET, nitong nakaraang Pinakbet Kawa Festival sa Pangasinan nagkaroon ng contest. Maraming mga barangay ang sumali ngunit ayon sa mga umupong taga-hatol ang pinakbet na hinaluan ng longganisa ang pinakamasarap. May tapsilog na tayo, ano kaya naman ang itatawag dito, longpakbet?

------------------------

NGAYON, NOON, kuwento ng

BAYAW:
Itong mga apo ko walang alam sa bahay. Panay computer lang. Lahat ng gawa iniaasa sa magulang at katulong. Isang araw, napakiusapan akong muli na mag-alaga sa kanila. Sabi ko, “Ngayon, walang computer hanggat hindi naaayos ang inyong mga gamit. Ibalik ang mga laruan sa mga lalagyan. Itapon sa basura ang mga papel at layak na nagkalat. Walisin at punasan ang alikabok sa inyong mga mesa at gamit.”

Binigyan ko ng tig-isang walis at basahan. Eh ang tanong, “ alin ang wawalisin ko.” Ni hindi marunong humawak ng walis at basahan at hindi alam kung ano ang layak at alikabok, sanay na sa gulo.

Kaya kinuwentuhan ko na “ noong kasing bata ninyo ako, duty ko maglinis ng sahig. Hindo ko na lang dinugtong, nauuto ako noon, kapag sinabi sa akin, yanong galing ni Monching… ang kintab ng sahig, pusposan ko pang pinapakintab. Kaya naiisahan ako ng matanda kong kapatid dahil mabilis tumakbo kapag narinig na ang boses ng ina namin.”

PAMANGKIN sa anak na walong taon: “Lina, tulungan mo akong ayusin ang kuwarto mo, ang marurumi mong baro ilagay mo sa labada at ayusin mo ang iyong katre.”

Lina, habang sinusunod ang utos ni ina: “Child labour…..child labour.”

MUSMOS: Ng tanungin kung saan sa slum siya nakatira. “doon po sa may mga sampay, sabay turo ng daliri. At, ang sagot sa kung nasaan ang tatay niya??, “yong tatay ko nasa barko, malayo, umuuwi siya pagkaraan ng matagal, pero yong daddy ko nandiyan kasama ng nanay ko.”

BATANG LANSANGAN nagtitinda ng corals at shells, ng tinanong kung nasaan ang magulang at kung bakit wala sa school: “nasa bahay po ang tatay ko walang trabaho, ang nanay ko naglalabada. Hindi pa po ako kumakain kaya tinutulungan ko silang magtinda (sabay turo sa isang babaeng naglalako rin) para makabili muna ako ng makakain.

----------------------------

KABINETE NG MILITARYA, nagbago na naman ng kanyang kabinete si pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Ang nakakataka, at marami ay nababalisa, karamihan ng mga hinihirang niya ay galing sa militar. Saan ba patungo ang pamahalaan ni pang. Arroyo?
 
 

Add a Comment