27 Hulyo, 2009 - Amsterdam, the Netherlands -- Sa pangunguna ng iba’t-ibang organisasyon sa ilalim ng Rice and Rights Network, naglunsad kaninang hapon ng kilos-protesta ang mga migranteng Pilipino sa The Netherlands bilang pagkondena sa State of the Nation Address o SONA ni Gloria Arroyo. Ang kilos-protesta na ginanap sa Dam, sa sentro ng Amsterdam, at tumagal ng isang oras, ay simbolo ng pagpapahayag ng mga Pilipino ng kanilang disgusto sa pamumuno ni Arroyo at sa pagtutol nila sa Charter Change o Cha-Cha.

Rice and Rights Network at the Dam Square in Amsterdam
Ayon kay Rami Compra, Pangulo ng Migrante-Netherlands, tutol siya sa Cha-Cha sapagkat ayaw na niyang manatili pa si Gloria sa pagkapangulo. “Walang nagawa si Gloria para sa mga migrante,” dagdag ni Compra. “Araw-araw, parami nang parami ang umaalis ng bansa dahil sa walang trabahong makuha sa Pilipinas.”
Para naman kay Rhys de los Santos, isang kabataan na lumaki na sa Netherlands ngunit aktibo sa mga isyu sa Pilipinas at myembro ng LINKAP, sumama siya sa rali bilang pakikiisa sa mga kababayan sa Pilipinas na pinapahirapan ni Arroyo.
Gayundin, gusto nyang ipakita na ayaw niya sa Cha-Cha dahil papayagan nito na mamuhunan at magmay-ari ang mga dayuhan ng 100 porsyento ng mga likas na yaman ng Pilipinas.
Isa pang kabataan, ang 12 taong gulang na si Kyle Baleva, ay ayaw rin kay Gloria Arroyo dahil korap ito. At magpapatuloy lamang ang pagiging korap ng gubyernong Arroyo, ayon sa kanya, kapag naaprubahan ang Cha-Cha.
Si Baleva ay sumali kamakailan sa bantog na apat na araw na walkathon sa Nijmegen, The Netherlands, tinaguriang
The Walk of the World, para mangalap ng donasyong ibibigay sa mga batang biktima ng paglabag sa Karapatang Pantao sa Pilipinas.
Ayon naman kay Maitet Ledesma ng Ibon-Europe at Pinay sa Holland, ang layon ng pangkating Arroyo sa pagbabago ng Saligang Batas ng Pilipinas ay para sa ganansya ng mga dayuhan. “Wala nang matitirang Pilipinas para sa mga Pilipino,” aniya.
Matapos sumayaw sa saliw ng gangsa, mamahagi ng polyetong komiks at ang malakas na pagsigaw ng “No to Cha-Cha, Oust Gloria” ay mapayapang nilisan ng mga migranteng Pilipino ang lugar ng kilos-protesta.
Ang mga myembrong organisasyon sa ilalim ng Rice and Rights Network ay ang Kabalikat, Liga ng Kabataang Pilipino (LINKAP), Dutch-Filipino Solidarity Movement (NFS), Migrante- Netherlands, Migrante Sectoral Party at Pinay sa Holland.