Mga Gintong Kwento ni Rene Calalang
Mga Gintong Kwento ni Rene Calalang
ANG KAMAG-ARAL KONG SI DANIEL

Fri 27th August 2010
 
 
Hindi ko masasabing si Daniel ay pinakamatalik kong kaibigan o isa sa mga matalik kong kaibigan. Ngunit pinag-isa at pinaglapit kami ng iisang hilig –ang hilig sa mga extra-curricular activities noong kami ay nasa mababa at mataas na paaralan.

Pareho kaming mga boy scouts noong panahong ang mga tauhan ni Robert Baden-Powell ay nagtitiyaga at nagsasakripisyo upang gampanan ang mga tungkuling sibiko ng isang batang may murang isip.

Bilang boy scouts, ay hindi kami nawawala sa mga parada upang parangalan at gunitain ang mga magigiting na mga bayani na anak ng lalawigan ng Bulacan (ang lalawigan ng Bulacan ay kilala sa pagkakaroon ng maraming anak na bayani gaya nina Francisco Balagtas, M.H. del Pilar, Gregorio del Pilar, Pio del Pilar, Isidoro Torres, Pio Valenzuela at iba pa) at ilang mga pambansang bayani gaya nina Jose Rizal at Andres Bonifacio).

Bilang boy scouts ay naroon din kami sa mga athletic meet na pambayan, panlalawigan ay maging sa regional upang tumulong. Taga takbo kami upang itayo ang mga nabuwal na mga hurdles. Taga tulak kami ng chalk spreader upang buhayin ang naburang mga guhit sa track. Tagalagay kami ng mga score sa mga palarong gaya ng basketball, softball, baseball at soccer. Natatandaan ko, na sa mga larong softball, baseball at soccer ay gumagamit kami ng mga bandera upang ipaalam sa mga kasama naming nakatalaga sa scoreboard (na nakapuwesto ng malayo sa playing field upang makita ng mga nanonood) ang score, inning by inning and half by half.

Pareho kaming paborito ng aming mga guro sapagkat natutuwa kami kapag inuutusan ng mga ito, sa paniniwalang kami ay mahal nila. Halimbawa, parati kaming naiiwan pagkatapos ng klase upang magbunot ng sahig ng aming mga silid aralan – isang trabaho na kung si Ina, o si Kuya, o si Ate ang mag-uutos ay hahantong sa isang malaking away. Kung ang sipag namin sa paaralan, o ang bait namin sa klase ay ganoon din sa aming bahay; si Ina, marahil sa tuwa, ay maaring doblehin ang aming baon.

Kung may kailangang bilhin sa tindahan sa harap ng paaralan ay nag-uunahan kami sa pagsasabing, “Ako na po.” Naniniwala kami, na kapag inutusan kami ng aming mga guro ay kami ang kanilang paborito.

Nagkakandarapa kami sa pagsalubong sa aming mga guro kapag nakita naming mayroon silang dala, upang kami na ang magdala, kahit na sa aming murang gulang ay halos magkandakuba kami sa pagdadala.

Pareho kaming may kakayahan sa klase, kahit na hindi naman kami ang pinakamarunong, ngunit kami ang pinakasipag at pinakaaktibo. Pareho kaming section one at parating nasa harapan sa row one sa aming mga klase.

ANG kabaitan ng pamilya ni Daniel sa akin ay nagsimula noong kami ay nasa ikalimang baitang pa lamang ng mababang paaralan.

Minsan ay hindi pumasok ang aming guro sa Industrial Arts at walang makuhang substitute teacher ang punong guro kaya nagkaroon tuloy kami ng dalawang oras na vacant period. Inaya ako ni Daniel sa kanila at ako’y humanga sa bait at husay ng kanyang pamilya.

Nalaman ko na hindi sila mayaman ngunit ang kanyang ama ay may pirmihang trabaho sa panlalawigang pamahalaan. Hindi sila mayaman ngunit ang kita ng kanyang ama ay sapat o maaring higit pa upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan.

Ang kanyang ina ay sa bahay lamang at masasabi kong isa na yata siya sa pinakamalinis, pinakamaayos at pinakamasipag na inang aking nakita. Halimbawa, maari kang magsalamin sa sahig ng sala ng kanilang bahay sa kakintaban sa pahid ng floor wax. Madulas ang sahig na kawayan ng kanilang balkonahe sa lampaso ng hinimay at binugkos na dahon ng saging na butuan. Maputi ang tablang ibabaw ng kanilang mesang kainan at bangkong upuan sa kuskos ng pakiling. Manipis ang uling ng kanilang palayok at kalderong lutuan (noong panahong iyon, ang mga middle class, ay wala pang natural gas o propane o di koryenteng oven na ginagamit sa pagluluto) sa limit nang kuskos ng kaong.

Iyon ang simula nang pagiging malapit ko sa kanyang pamilya.

Malapit din ang kanilang bahay sa paaralang aming pinapasukan, kaya hindi siya nagbabaon ng tanghalian.

Isang araw, pagkatapos ng aming klase sa umaga ay naitanong niya kung saan ako kumakain ng tanghalian.

“Doon sa bakanteng kuwarto, kasama ang iba pang mga nagsisipagbaon na mga taga malalayong baryo,”sagot ko

“Ba’t hindi ka na lang sumama sa akin para doon ka na lang mananghalian sa amin, para hindi ka kumain ng lamig.”

“Nakakahiya naman sa inyo,” sagot ko.

“Hindi. Matutuwa nga si Ina dahil nasabi ko na magkaibigan tayo.”

Iyon ang simula ng panananghalian ko kina Daniel.

Bilang ganti ay dinadalhan namin sila ng dalawang kabang bigas kung tag-araw – isang bagay ng sagana kami sapagkat mayroon namang naiwanang bukid sa amin si Tatang.

NOONG kami ay nasa ikatatlo at ikaapat na taon na sa mataas na paaralan ay pareho kaming mga officer sa PMT (Preparatory Military Training). Kakambal nito ay ang pag-aari ng mga di pangkaraniwang gamit: uniporme, Pershing Cap, combat boots, sabre – mga bagay na wala ako (maliban sa uniporme at Pershing Cap) ngunit mga bagay na mayroong extra sina Daniel dahil sa ang kanyang ama ay maraming mga kaibigan sa Philippine Constabulary. Ipinahiram niya sa akin ang mga iyon.

Maraming mga araw na sa hapon lamang namin kailangang isuot ang mga gamit sa PMT sapagkat ang insayo ay pagkatapos ng klase. Kailangang ihabilin ko iyon sa isang kakilala o kamag-anak na malapit sa paaralan, kung hindi ay bitbit ko ang isang supot na mabigat sa buong maghapon.

Sabi ni Daniel nang malamang wala akong mapaghabilinan, “Sa amin mo na lang iwan at doon ka na rin magbihis.”

“Nakahihiya naman sa iyo, sabi ko. Sobra naman yatang pang-aabala ang ginagawa ko.”

“Ikaw naman. Gusto nga ni Ina na nagpupunta ka sa amin. Nagkakabigas kami,” pabirong sabi ni Daniel.

Kakambal din ng pagiging officer sa PMT ay kinakailangang parating makintab ang combat boots, ang buckle ng sinturon at ang talim ng espada. Sa pagbibihis ko kina Daniel ay doon ko na rin pinakikintab ang mga iyon – sa tulong ng kanilang shoe and metal polish.

NAGPATULOY ang pagiging magkaibigan namin ni Daniel hanggang sa kami ay mag-aral sa isang technical school sa aming bayan. Dito nagkaroon ng kaunting bitak ang aming pagiging magkaibigan.

Kami marahil ang pinakamarunong sa aming klase. Nagkaroon kami ng competition sa isa’t isa. Nasa kasibulan kami ng buhay, nasa kainitan ng dugo. Humihingi ng pagkilala ang aming mumunting gawa at kaunting dunong.

Ganito talaga yata ang buhay – ang daan ay hindi parating patag. Kami na dating malapit na magkaibigan ay magkalaban ngayon sa karunungan. Kami na halos ay tila magkapatid, ngayon ay magkalaban sa karangalan.

Lumala ang hidwaan namin nang magkagusto siya sa isang sutil, makiri at alembong na babae – kay Rosenda.

Mahiwaga talaga ang buhay, lalo na sa larangan ng pag-ibig. Kung sino ang gusto mo, ay siyang ayaw sa iyo. Kung sino ang ayaw mo, ay siyang may gusto sa iyo.

Walang gusto si Rosenda kay Daniel. Ang gusto ni Rosenda ay ako. Wala naman akong gusto kay Rosenda.

Hindi ako ang tipong gustong manakit ng damdamin ng kapuwa. Wala akong gusto kay Rosenda, ngunit hindi halatang wala akong gusto sa kanya.

Masaya ang aming pag-uusap kahit na ang aming pinag-uusapan ay mga bagay na walang kinalaman sa pag-ibig.

Madalas, ang pinag-uusapan namin ay tungkol kay Susan Roces, sapagkat alam kong paborito niya si Susan Roces.

“Ang ganda-ganda talaga ni Susan Roces,” sasabihin ko.

“Talaga naman.”

“Kung kay Amalia lamang, kay Susan na ‘ko.”

“Talaga naman.”

Bilang ganti sa pagpuri ko kay Susan ay ang kilig ni Rosenda sa kaligayahan at ang mga kanyang kurot at hampas sa aking braso.

Sa di kalayuan, sa loob-loob ko, marahil si Daniel ay masamang masama ang loob sa panibugho at lalayo na kay Rosenda.

Ngunit may tunay na dahilan ang paglapit ko kay Rosenda. Kahit na ngayon ay magkalaban kami ni Daniel ay hinding hindi ko malilimutan ang mga kabutihang ginawa niya sa akin. Malaki pa rin ang paggalang ko sa kanya at lalong malaki ang paghahangad ko, na sana ay magkaroon siya ng magandang buhay sa hinaharap.

Hindi alam ni Daniel na sinasadya kong ilayo si Rosenda sa kanya. Kilala ko si Daniel, bata pa lamang kami, at alam kong hindi karapat dapat si Rosenda sa kanyang kabutihan.

Nalaman ko ang laki talaga nang pagkakagusto ni Daniel kay Rosenda ng isang araw, na nakaupo ako sa isang konkretong bangko at nagbabasa, ay nilapitan ako ni Romy, na isa naming kaibigan.

“Malaking galit sa iyo ni Daniel,” sabi ni Romy.

“Bakit?” tanong ko.

“Para daw kayong walang pinagsamahan. Iyon daw lang naman ay hindi mo pa ipinaubaya sa kanya si Rosenda.”

Napilitan akong ipagtapat kay Romy ang layunin ng aking ginagawa.

Iyon ang simula ng muling pagkakalapit ng aming mga loob ni Daniel.

Nagwakas ang aming rivalry na hindi malaman ang number one sapagkat sa klase naming iyon ay wala namang itinuring na class valedictorian.

Nang sumunod na mga taon ay nagkani-kanya na kami ng landas. Ako ay humantong sa Canada at siya ay humantong sa Saudi Arabia. Nawalan kami ng ugnayan sa isa’t isa.

NGAYO’Y umuwi ako upang maging panauhing pandangal sa aming pinagtapusang mababang paaralan.

Sa aking pagpasok sa gate ng paaralang aming pinagtapusan ay nabigla ako ng isa si Daniel sa mga sumalubong sa akin. Hindi sapat na sabihing nabigla ako, ngunit totoong malaki ang aking pagkabigla.

Naroon siya kasama ang punong guro at ilang piling mga guro. Nalaman ko na naroon siya sapagkat siya ang pangulo ng PTA (Parents and Teachers Association).

Pagkuway sinalubong ako na tila isang celebrity. Sa loob-loob ko, ay ganito pala ang maging celebrity  - masarap pala. Ngayon lamang ako nakadama na ako pala ay ganoon kaimportante.

Bigla ang aming pagkikita – masasabing ni sa guni-guni, ni sa hinagap ay hindi ko inaasahang kami ay magkikita sa ganitong pagkakataon.

Wala kaming panahong mag-usap. Sa biglang udyok ng aking isip, kami ay nagkamay. Nadama ko ang kapal ng kanyang palad. Nakita ang kulay ng kanyang mga braso – sunog at magaspang sa haplos ng init ng araw. Sa isa pang udyok ng aking isip at marahil dahil sa dala ng dating pinag-ugnay na damdamin ay saglit kaming nagyakap. Amoy araw siya, marahil ay dahil sa amoy ng natuyong pawis sa kanyang katawan at sa suot na kamiseta.

Pagkuway sinabi ko sa kanya, “Mag-usap tayo mamaya pagkatapos ng graduation.”

Isinabit sa aking leeg ang isang kumpol ng mabangong kuwintas ng sampagita. Kinamayan ako ng hanay ng mga nagsisalubong. Binigyang daan upang maging mabilis ang pag-akyat sa entablado.

Tapos na ang graduation. Tapos na rin ang muling kamayan ng isa’t isa. Ipinaalaala na ang lahat ng mga naroong mga guro at panauhin ay kailangang magpunta sa cafeteria para sa reception.

Pagkuway nakasingit ako ng pagkakataon upang kami ni Daniel ay muling mag-usap sa isang sulok, “O, ano? kumusta ka na?”

“Eto, buhay pa,” pabirong sabi niya ngunit alam kong may kahulugan iyon.

Kangina, sa aming biglang pagkikita ay wala akong sapat na panahon upang tingnan ko siyang maigi, upang siyasatin ang mga bakas ng panahon sa kanyang mukha at sa kanyang mga mata. Ngunit ngayon ay kaharap ko siya at nadarama ko ang hirap ng kanyang buhay, ang pighati sa kanyang puso at ang pagdurusa ng kanyang damdamin.

“Mukhang may problema ka?” tanong ko.

“Wala naman.”

“Kung wala ay hindi ka magiging ganyan kalungkot? May problema ka?”

Saglit na katahimikan. Tumingin sa malayo si Daniel upang ikubli ang mga luhang ibig tumulo. Kilala ko si Daniel. Mataas ang kanyang pagkakilala sa sarili. Siya marahil ang kahuli-hulihang hihingi ng tulong. Ngunit sa pagkakataong ito, nadarama ko, na wala siyang pagpipilian.

“May problema ka?” ulit na tanong ko.

Mahina at malungkot ang kanyang sagot, “Mayroon, pero problemang pampamilya.”

“Dati namang kabilang sa pamilya ang turing ninyo sa akin noong araw.”

Nahihiya man ay ipinagtapat ni Daniel ang kanyang suliranin: naaksidente sa motorsiklo ang kanyang anak na panganay na lalake. Bale ang mga kamay nito at kailangang lagyan ng bakal upang muling magamit. Ginawa na ito, ngunit ngayon ay kailangan ang malaking halaga upang bayaran ang mga gastos ng pagamutan.

“Magkano?” tanong ko

Sinabi niya kung magkano.

“Wala akong ganoong halaga, pero tutulungan kita ng makakaya ko.”

“Salamat.”

Nabakas ko ang katapatan ng mga sinabi ni Daniel. Narito ang isang tao na kung maari lamang ay ayaw humingi ng tulong kahit na halos ay ako na ang nag-aalok ng tulong. Narito ang isang pagkakataon upang magantihan ko ng kabutihan rin ang mga kabutihang ginawa niya sa akin.

“Magpunta ka sa bahay bukas at may ibibigay ako sa iyo,” walang pangiming sabi ko sa kanya bago kami tuluyang naghiwalay.

SINUMA ko sa isip ang pinakamalaking halagang maari kong ibigay kay Daniel. Inilagay ko ito sa isang busilak sa kaputiang envelope na galing pa sa Canada. Sinamahan ko ng isang maliit na papel na nakasulat ang isang ganti ng pasasalamat. Sa hulihan ng sulat ay sinasabi kong, “Sana ay makatulong ang halagang ito upang mabigyang lunas ang iyong suliranin.” Kusang hindi ko nilawayan at isinara ang envelope.

Sa nalalabi pang mga pasalubong ay kumuha ako para sa kanyang ina: isang bote ng Kraft peanut butter, isang bote ng Nescafe, isang maliit na bote ng pabangong pambabae at apat na chocolate bar.

Dumating siya sakay ng isang nagbubuga ng itim na usok na tricycle (usok na ang iba ay kanyang nasisinghot sa kanyang paglalakbay) upang puntahan ako. Nagpasalamat ako sa Diyos sa mga biyaya Niya sa akin.

Handa na ako sa kanyang pagdating. Nakahanda na ang miryenda. Pagkuway muli kaming nagkamay at saglit na nagyakap. Kuwentuhan. Tawanan sa paggunita sa mga nakaraan. “Ano ang nangyari kay Kuwan?, Ano ang nangyari kay Ganire?, Akalain mo bang gagawin ni Ganito ang bagay na iyon? Si Kuwan, hindi ko akalaing aasenso ng ganoon. Ay! Ang buhay nga naman.”

Pagkuwa’y sinabi niya na aalis na siya.

Ibinigay ko sa kanya ang envelope. Sinilip niya ang envelope at pagkuway alam niya kung magkano ang laman niyon.

“Ang laki naman nito,” pagkuwa’y sabi niya.

“Sa ginawa ninyo sa akin ay bale wala iyan.”

“Basahin mo ‘yong sulat,” sabi ko.

Binasa niya ang sulat at pagkuway tumulo ang luha sa kanyang mga mata.

Ang halagang tinanggap ni Dante at ilang alaala para sa kanyang ina ay gantimpala para sa kanilang mga ginawang kabutihan sa isang marunong tumanaw ng utang na loob.


 
Munting Nayon News Magazine


To receive Munting Nayon updates in your Facebook account, click the Like button in this box.

 

Comments






Or, use Leave a Comment button to post your message.

Mel Avinante
Thu 11th November 2010
Ontario Canada
 

Maraming salamat sa maganda ang mong kwento,tungkol sa buhay ng isang tunay na mag kaibigan..Bagamat ito ay kwento lamang ay natitiyak kong naganap ang bagay na ito sa ilan nating kapwa Pilipino.Lalong-lalo na nga sa mga batang taga barrio nasa bayan pumapasok para mag aral sa mataas na paaralan...(Noong panahon una)dahil ngayon sa Pilipinas... dahil sa dami na ng tao pati na sa barrio ay may high school na.Sana sa estudyanteng naganap sa buhay nila ang makipanuluyan..noong panahon na silay nag-aaral ay maging silbing gabay ito para hindi sila magbago at lumingon sila sa kanilang pinanggalingan..Salamat uli sayo sa iyong magandang kwento..Mabuhay !!!