Wika ng Pagkakakilanlan. Wikang yumayakap sa lahat nitong nasasakupan. Wikang may Puso. Nagsisilbing ilaw. Nagbibigay ng ibayong lakas. Lakas patungo sa ‘
Mundo ng Pambansang Pagkakaisa at Pagmamahalan’. Ito ang wika mo. Ang wika ko.
At ito ang Filipino.
Dekada ’30. Sa simula ng bantayog nang ating kasaysayan bilang Pinoy (bilang Filipino at Dugong Kayumanggi) namulat tayong lahat na tanggapin sa gitna nang ating malayang pakikipagtalastasan na ang ‘Tagalog’ ang ating Pambansang Wika. Dekada ’70, sa panibagong pagkamulat sa pagmamahal sa bawat nangungunang wika sa ating bansa: ang Tagalog, Kapampangan, Panggalatok, Cebuano, Waray-waray, Hiligayon, Bikolano, Visaya na nagbunsod na magbigay daan na tawaging “Pilipino’ ang ating Pambasang Wika. At noong Dekada ’80, sa hamon ng makabagong panahon kung saan nagsimulang lumabas ng bansa ang milyon-milyong Filipino para makipagsapalaran sa ibat-ibang panig ng mundo at upang bigyan daan ang madaliang pagbigkas nang ating mga kapatid sa Amerika at Europa, ang letrang ‘P’ sa ‘Pilipino’ ay ginawang ‘F’ na ngayon ay isinusulat at binibigkas sa pagkatawan sa ating Pambansang Wika…
ang ‘Filipino’!
Ngunit ano nga bang hiwaga ang bumabalot sa ating Wikang Panlahat (o Pambansa) para ito maging ganap na ‘Parola ng Liwanag’? Parola na nagsisilbing gabay at ilaw para sa bawat Pinoy sa ibat-ibang sulok ng mundo?
Ayon sa ilang mga kababayang nakausap at masugid na nakadaupang palad na ngayon ay naninirahan sa ibang bansa tunay na mayroong guhit ng mahika at saya na makarinig ng salitang Filipino. Ang simpleng pagbati mula sa kababayang Pinoy nang mga salitang “
Kumusta na Kabayan?”, “
Magandang umaga po,” o payak na salitang “
Kabayan” mula sa kapuwa Filipino sa bumbon ng ibat-ibang lahi at lipi ay nagbibigay ng kakaibang saya, pag-asa at tapang lalu na’t nasa gitna ng pakikibaka o pakikipagsapalarang nag-iisa sa Europa, Asia, America o maging sa
Middle East pa. Sa gitna ng mga personal na problema lalu na’t malayo sa pamilya, tunay na iba ang hagod, lamyos at damdaming namumutawi sa labi mula sa Kababayang Filipino gamit ang ating Inang Wika…
ang Filipino. Dahil tunay na nararamdaman ang tunay na kahulugan, damdamin at mga emosyon sa likod ng pagmamalasakit ng kapuwa Filipino.
Subalit hindi lamang sa mga ganitong pagkakaton nakikita ang hiwaga ng Wikang Filipino!
Sa pagsulong ng makabagong panahon sa ‘Mundo ng Pag-iisa’ (
Global Village) at pagsakay ng maraming Filipino sa
bandwagon ng mga
Overseas Filipinos at
Pinoy immigrants, tunay na naging ganap ang pamamayagpag ng Wikang Filipino kasama ang kultura at sining nating mga Pinoy maging para sa ating mga kaibigang banyaga. Ilan na nga bang
Pakistanis, Indians, Saudis, Sri Lankas, Syrians ang ganap at sanay magpakita ng husay sa pagsasalita nang ating wika? Sino ang hindi magigitla sa husay ng ilang mga Amerkano sa bahagi ng Pomona, California sa Amerika sa husay ng pagsasalita nang ating wika? At sino ang hindi lubos na hahanga sa mga banyagang mananaliksik na narito sa Pilipinas na naging tampok-balita sa ating mga telebisyon na tuluyang yumakap para gamitin ang ating wika na may puso at pagmamahal bunsod ng layuning makipagpalitan ng talino at pakikipag-kapuwa.
Sa loob ng bakuran ng ating bansa at dulot na rin ng kaway nang ating panahon, tuluyang naging tampok ang Filipino bilang instrumento nang ibat-ibang larangan maging ito ay sa larangan ng pangangalakal, inpormasyon tulad ng pinilakang tabing (cinema) at pamamahayag. Ilang beses na bang nagkaroon nang hindi halos masukat na suliranin ang ating bansa sa usaping pulitika at sakit sa ating ekonomiya? Mga suliraning nagtulak para matagpuan ng marami na lumahok at makiisa sa isang tahimik na rebolusyon sa Edsa kung saan naruon ang mainit na damdamin at nagsusumigaw na galit at puyos ng damdamin laban sa kapuwa Filipino?
Subalit sa tuwi-tuwina, dahil sa iisa nating wika, sa iisang pang-unawa, sa iisang naghuhumigting na pagmamahal sa pamamagitan ng nag-iisang nagbubuklod na wika nagawa nating manatiling nakatayo. Bilang isang bansa. Bilang isang lipi. Nananatiling matatag. Buong-buo. Dahil tunay tayong ginabayan nang ating pagmamahal sa isat-isa. Nang nag-iisang liwanag. Liwanag na pinagbuhusan nang bawat isang Filipino ng kaniyang buhay at dugo. Mga liwanag at gabay patungo sa isang magandang bukas. Liwanag mula sa ating Wikang Panlahat…
ang Filipino. At kung saan ang laging tampok ay Kayo… Ikaw at Ako.
Wikang Filipino para sa Filipino tungo sa isang Pinagmamalaki at Pinakamamahal na Inang Pilipinas! - (J. Nava Cruz, an OFW, is a freelance writer/author/documentarist. E-mail at
bashamel007@yahoo.com / Pages of Abante Middle East / August 8, 2011)
Pagbati mo mula sa Gitnang Silangan.
Magandang umaga po, Bb. C. Calimlim,
Isang marubdod na pagpapasalamat sa pagbibigay ng inyong panahon na bigyang pansin ang lathalaing naisulat sa Munting Nayon, The Netherlands.
Narito po ang aking 'personal na kuro-kuro' sa inyong katanungan:
1. Tunay na mahirap, lalu na sa kasalukuyang panahon, kung saan halos abot-kamay na nang bawat isang Pilipino ang kaniyang mga kapatid na banyaga hatid ng bagong anyo sa larangan ng makabagong pakikipagtalastasan. Hatid ito nang makabagong 'teknolohiya ng komunikasyon' at kung saan nagkaroon tayo ng isang pagkakalantad sa wika ng bawat isa (language exposure).
2. Sa tanong n'yo kung may pag-asa pa ang pagsasalita ng purong Tagalog (o Filipino), isang diretsong sagot po na tunay na mahirap itong isagawa sa ating makabagong panahon bigyang konsiderasyon pa ang ebolusyon sa paggamit ng wika at ang pagkakalantad nang bawat bansa sa mga wikang umiiral tulad ng English, Spanish, French, Arabic, at iba pa at kahit sabihin pa ang aking napaka-marubdod na pag-asam at pag-asa na lubos na masilayan ito sa darating na panahon.
3. Ngunit sa isang banda, at kahit bigyang konsiderasyon pa ang nasabing lahad-isip (sa Bilang 1 at 2 (Items No. 1 and 2) na nakasaad sa itaas), dapat pong isaalang-alang ang ilan sa mga sumusunod:
(a) Sa larangan ng pagsusulat (print media) lalu na sa mga pahagayan, isang wika (lingua franca) lamang ang dapat gamitin para sa pagbibigay inpormasyon. Halimbawa: Kung ang lathalain ay sinulat sa Wikang Filipino, dapat na ito ay maisulat lamang sa nasabing wika. At kung mayroon mang hiram na wika, naka slant po ito at naka italic. Ganuon din ang pagsusulat ng mga lathalain sa wikang banyaga (tulad ng English). Batid pong lubos ito ng mga beterano at nag-aral na manunulat. Samantala, sa larangan ng broadcast media, siguro po ay napapansin n'yo tulad sa ANC sa Channel 2 ng ABS-CBN at sa GMA 7 na kapag English ang ginagamit na instrumento ng pamamahayag, dire-diretso po ang ginagawa nilang paggamit. Yun nga lamang, kapag ang pamamahayag naman ay nasa Filipino (kadalasan nating naririnig ang panaka-nakang paggamit ng English). May dahilan po ito sa pagkakalantad sa wikang banyaga ng mga Pinoy (language exposure tulad ng English). Yun nga lamang, sumasang-ayon po ako sa sinasabi ng mga dalubhasang Pinoy lalu na mula sa Surian ng Wikang Pambasa na mas maganda at nakapupukaw nang ating pagiging Filipino na gawing instrumento ang tuluyang paggamit ng ating wika sa nasabing mga opisyal na pagkakataon, at kung saan iyon lamang ang nararapat.
(b) Minsan ko na pong sinabi sa aking panulat na mahirap maging 'murderer' ng isang wika, lalu na nang ating wikang pambasa. Napakarami pong Pinoy na tunay namang nagpapakabanyaga kahit kulang ang kaalaman sa nasabing wika. Walang masama kung ang pagbabasihan ay ang makapagbigay ng mga inpormasyon sa 'personal na pakikipagtalastasan' sa layuning magawa ang pang-araw-araw na gawain sa buhay tulad na lamang dito sa Gitnang Silangan. Maraming Pinoy ang nagsasalita sa puto-puto na English at Arabic ('broken English'/ 'broken Arabic'). Subalit kung ang layunin lamang ay magkaron ng 'feeling sosyal at feeling class', dito po ako nagkakaroon ng "inis' at pagkabalisa sa isang kababayan.
(k) Sa nakaraan pagbisita sa Pilipinas kamakailan at kung saan ako ay nagsagawa ng aking communicative language teaching gamit naman ang Wikang Ingles para sa kanilang pagkakatuto, akin pong napag-alaman na tunay na mahirap din lalu na sa mga batang nasa publikong paaralan (elementary at high school) na makasunod sa maraming panuntunan gamit ng nagtuturo ang wikang banyaga. Kaya nga po talagang naging usapin at naging palitan ng kuro-kuro kung ang Wikang Pilipino ba ay gagamitin sa pagtuturo ng Wikang Ingles tungo sa ganitong pag-aaral, at kung saan ako bilang taga hatid ng kaalaman ay tuluyang isagawa na gamiting instrumento ang ating Pambansang Wika sa pagtuturo ng Wikang Banyaga (language acquisition at language exposure po ang mga kadahilanan nito).
(d) Alinsunod sa inyong mga nasabi sa paggamit ng suffixes o prefixes na English sa Wikang Filipino, dapat po talaga itong bigyang pansin. Hindi na nga po inaalam nang nakararami ang paggamit ng ating mga 'unlapi', 'hinlapi' at 'gitlapi', dinadagdag pa nang marami ang ganitong mga problema sa pagsabotahe ng ating Pambansang Wika at wikang banyaga.
Hanggang dito na lamang po at lubos ko pong kinalulugod na malaman na ang inyong butihin at pinakamamahal na ama ay ilan sa mga nagtataguyod ng bantayog ng ganda ng Wikang Filipino. Tunay pong nakakalugod para sa ating lahat na lubusang matutunan ang paggamit ng wikang banyaga, iyon nga lamang, sana ay lubos na manatili ang pagmamahal natin sa ating Wikang Pambansa.
Lubos na nagpapasalamat,
J. Nava Cruz
August 13, 2011