(189)
Si Jose’y patuloy namasyal pa mandin
At kanyang dinalaw dating ginigiliw
Si Rosa’y nagulat ng siya’y dumating
‘Pagkat ‘kala niya’y nalimot na mandin.
(190)
Si Rosa’y di halos niya nakilala
Pagkat matanda na kaniyang hitsura
Sa hirap ng buhay, ito ay nakuha
At sa kunsumisyon sa kanyang asawa.
(191)
Bilang pasimula, sila ay nagkamay
Upang gunitain, ang nangakaraan
Ang pisngi ni Rosa’y kanyang hinalikan
Halik na nagmula sa ‘sang kaibigan.
(192)
Si Rosa’y palihim na kanyang tiningnan
Mandi’y binabakas, ang nangakaraan
Gusto mang yakapin siyay napigilan
Baka magkasala sa asawang mahal.
(193)
“Mabuti pa ikaw at di nagbabago
Maganda siguro ang naging buhay mo
Buhay sa Canada ay hiyang sa iyo
Sa ayos at kilos ay nakikita ko.”
(194)
Sa sabi ni Rosa, si Joe’y nasiyahan
Ang pakiramdam niya’y tila gumagaan
Kanyang pakiwari, siya’y nakalutang
Sa ulap na nasa ating kalangitan.
(195)
Nguni’t ang totoo’y di lang niya alam
Di na kagandahan kanyang kalusugan
Marami na siya na nararamdaman
Masakit ang tuhod at saka bayawang.
(196)
“Baka naman ako ay binobola mo
At pinatataba ang abang puso ko
Ang sinasabi mo kahit di totoo
Ay tatanggapin kong isang komplimento.”
(197)
“Tumigil na tayo sa pagbobolahan
Ating pag-usapan ay ang buhay-buhay
Ano ba ang iyong naging kapalaran
Magmula ng tayo ay magkahiwalay.”
(198)
Si Rosa’y naglayo sa kanya ng tingin
Halatang halatang siya’y naninimdim Ng siya ay muling humarap pa mandin
Pilit na sinabi ang kaniyang lihim.
(199)
“Ang kalagayan ko ay di umasenso
Di ko natapos ang kinukuha ko
Kami ay nagtanan nang naging mister ko
‘Pagkat akala ko’y nilimot mo ako.”
(200)
Saglit na lumungkot, kanyang pakiramdam
Si Joe’y nagkasala sa dati niyang mahal
Talagang ganito ang takbo ng buhay
Hindi natin alam, ating kapalaran.
(201)
“Ating nakaraa’y huwag nang ungkatin
Mga alaala’y ibaon sa libing
Ang kasalukuyan, pag-usapan natin
At ang hinaharap ang bigyan ng pansin.”
(202)
“Kapag di nilimot ang nangakaraan
Ito ay sagabal sa takbo ng buhay
Walang mangyayari kahit kaninuman
Kapag di natutong kalimutan iyan.”
(203)
Nasakyan ni Rosa, ibig n’yang sabihin
Siya’y huminahon kahit naninimdim
Pinilit nilimot, mga suliranin
Kanilang itinuloy, kahapo’y ungkatin
(204)
Ang sabi ni Rosa, “Ako ay payag na
Ang nangakalipas ay kalimutan na
Kumusta ka na ba at iyong pamilya
Ang tanong ko’y ito sa pag-uumpisa.”
(205)
“Sa naging kabiyak ako ay mapalad
Siya ay maganda’t masarap magmahal
Sa ‘ming mga anak ay Inang mahusay
Saka siyang ilaw ng aming tahanan.”
(206)
“Siya’y Pilipinang lumaki sa atin
Nag-aral sa U.P.’t kumuha ng nursing
Siya’y napilitang umalis sa atin
Kaniyang pamilya’y matulungan mandin.”
(207)
“Kanyang kaarawa’y kami ay nagkita
Ang kaniyang ayos kay seksi’t kay ganda
Ito ay pag-ibig, unang pagkikita
Kaya napadali, ang pag-aasawa.”
(208)
“Nguni’t bakit ako’y nilimot mo giliw
Gayong nangako kang di mo papansinin
Ang ibang babaeng sa iyo’y darating
Doon sa Canada, ako ay dadalhin.”
(209)
“Di ko akalain magiging ganito
Aking kapalaran biglang magbabago
Talagang ganito ang buhay sa mundo
Ating kapalara’y hindi kontrolado.”
(210)
Masakit man ito’y tanggapin na natin
Mga pangyayaring naganap sa atin
Walang mangyayari kahit gunitain
Ang ating kahapong puno ng paggiliw.
(211)
“Tinanong ni Rosa, “Ilan ang anak mo?”
Ang sagot ni Jose, “Ako ay may tatlo”
“Kakaunti naman. Dapat sa ‘yo’y walo.”
“Doon sa Canada’y, marami na ito.”
(212)
Sinabi ni Rosang siya’y ‘sang dosena
Sapagkat iyon lang, ang tanging pag-asa
Para makaahon sa hirap at dusa
Sa kasalukuya’y nakasadlak sila.
(213)
Lumabas ang kaniyang kabiyak ng buhay
Na isang lasenggong Tasyo ang pangalan
Kung siya’y lumakad ay hahapay-hapay
Sa tingin ni Jose’y walang hanapbuhay.
(214)
“Pare ikaw bang dating kasintahan
Ng aking asawang kapiling sa buhay
Masuwerte ako sa babaing iyan
Masipag at saka mahusay sa bahay.”
(215)
Sila ay nagkamay ng mister ni Rosa
Manipis ang palad dahil tamad siya
Sa kanto’y tumoma ang libangan niya
Pagdating sa bahay ay hihiga siya.
(216)
Di sinabi ni Joe ang kanyang napansin
Walang karapatang ito ay banggitin
Ang bagay na ito baka kung sabihin
Si Tasyo’y magalit, at siya’y murahin.
(217)
At sapagkat sila ay kap’wa lalaki
Ay pinag-uusapan kahit walang silbi
Ito’y karaniwang mga pangyayari
Madalas maganap sa kanto’t sa tabi.
(218)
Ang buhay ni Tasyo’y ipinagyayabang
Walang ginagawa, siya’y nabubuhay
Ang sabi kay Jose, siya ay tularan
Dapat na manahin, lalaking matapang.
(219)
Sa kanyang narinig, tainga’y nagpanting
Gusto n’yang sugurin si Tasyo’t sakalin
Si Jose’y nagpigil matapos isipin
Baka sa kulungan siya ay damputin.
(220)
Tinanong ni Jose, “Mayroon ka pa ba?
Sa karangalan mo ay pagpapahalaga
Dapat mong malaman sa iyong pamilya
Ikaw ang sandigan sa pakikibaka.”
(221)
Binanggit ni Tasyo, dami ng anak n’ya
Kahit wala namang tarabaho siya
Ang pagpapalaki’y malaking problema
Kung walang panahon at kulang sa pera.
(222)
“Ngunit kababayan, masisisi mo ba
Ako’y nagkaanak ng isang dosena
Ang paggawa nito ang tanging ligaya
Na nakalulutas sa pangungulila.”
(223)
“At saka isa pa, kami’y katoliko
Bawal ang gumamit ng nasa isip mo
Pag kami’y gumamit, magagalit ang orbispo
At kami’y hahantong doon sa imp’yerno.”
(224)
“Ngunit katoto ko, hindi mo ba alam
Mga suliranin ay nangakaabang
Pagdami ng tao’y pag di binagalan
Mga sulirani’y di malulunasan.”
(225)
“Puwedeng gamitin ang mga paraan
Pagdami ng anak ay upang bumagal
May itinalaga ang pamahalaan
Iba’t ibang sangay at mga tanggapan.”
(226)
“Ang pagpapasiya ay nasasaiyo
Pagkat di ko alam ang nasa isip mo
Pero kung gusto mong baya’y umasenso
Sana iyong dinggin, ang sinasabi ko.”
MAY KARUGTONG