Ang kasabihang ito ay nagpapakilala na ang mga Filipino ay makakristiyanong bansa. Ang prusisyon ay isang malaking bahagi ng simbahang Filipino. Tuwing kapistahan ng santo o santa na pintakasi ng simbahan ito ay pinuprusisyon at inililibot sa bayan o nayon subalit ito ay medyo maikli. Kapag mahal na araw, isinasama sa prusisyon ang maraming karo ng mga santo at santa tulad nila Sta. Mariang Birhen , Sta. Veronica, Sta. Magdalena, San Pedro, San Juan at marami pang ibang patron. Pinuprusisyon din ang mga rebulto ni Hesukristo na nilalarawan ang kanyang pagdurusa sa Hardin ng Gethsamani, ang paghuhukom sa kanya ni Pilato, ang pagpapasan ng krus sa Via Dolorosa at ang Santo Entierro na nakaburol si Kristo at marami pang iba tagpo sa buhay ni Jesus bago Siya ipako sa krus.
Ang mga karo na ito ay inalagaan ng mga familia na minana pa nila sa kanilang mga magulang at ninuno. Ito ay kanilang pinapaganda at dinidikurasyunan, pinalilibutan ng ilaw at bulaklak at telang mamahalin at mga lace. Umaarkila pa ang ilan ng banda ng musiko para tumugtog at magmartsa sa unahan ng kanilang karo. Hindi biro ang mag-alaga ng karo at ito ay kanilang pinagmamalaki bilang isang status symbol sa buong bayan. Kadalasan ang buong familia at angkan ng may-ari ng karo ay kasunod sa prusisyon. Ang mga karo ay kanilang iniingatan sa kamalig o sa garahe o pinagawang sariling bahay-bahayan at sa ngayong pagkakataon lamang inilalabas.
Ang mga tao mula sa barrio ay dumarayo sa kabayanan upang makilahok, magdasal o kaya ay manood lamang ng taunang prusisyon. Kaya lalong pinalalawakan ang hanggahan na lalakarian ng prusisyon para pagkasiyahin ang mga karo mga debotong sasama sa prusisyon. Ang mga nanata ay sumasama sa prusisyon na may dalang nakasinding kandila at ang karamihan ay nagdarasal ng rosaryo at kumakanta pagkatapos ng isang dekada ng rosaryo. Ang mga nanunuod sa gilid ng kalsada ay lubhang napakarami ay sila'y nagkukurus sa bawat pagdaan ng santo. Naalaala ko pa nga nuong musmos pa ako ay isinasakay ako ng yumaong ama ko sa kanyang balikatpara makita ng prusisyon dahil sa dami ng tao. Sa katapusan pagkahaba-haba man ng prusisyon, pakgkalawaklawak man ng hanggahan, pagkaramirami ng karo ng mga santo at santa at mga debotong kalahok, ang lahat ng ito'y natatpos sa pagpasok ng prusisyon sa simbahan.
At dito natin nakuha ang kasabihang Filipino, pagkahaba-haba man daw ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy. At sa mga Filipino, kapag ang isang usapan ay paliguy-liguy at isa lamang ang patutunguhan, ay masasabi natin pakahaba-haba man daw ng prusisyon , sa simbahan din ang tuloy. May isa pa ngang pagkakataon na akmang-akma dito sa kasabihan. Ang isang masugid na pagliligawan, pagkahaba-haba man daw ng panahong ginugol kadalasan nga ay sa simbahan o sa kasalan din ang tuloy.
Sa pagbibiro sa ating paksang kasabihan, mayroong namimilosopo at sinasabing pagkahaba-haba man daw ng prusisyon, matinik ay malalim na hinango sa isa
kasabihang " ang lumakad ng matulin, matinik malalim ". Hindi nila batid na ito palang pinag-ugpong( hybrid) na kasabihan" pakahaba-haba man daw ng prusisyon matinik malalim" ay may totoong basihan.
Noon palang unang panahon ng mga kastila, karamihan sa mga tao lalo na ang mga taga barrio ay nakayapak lamang. Pangkarinawan na lamang na sa haba ng prusisyon ay maraming natitinik sa paa ngunit dala ng kanilang debosyon ay hindi nila inaalintana ang sakit at kirot ng tinik. Lumalaon sa haba at tagal ng prusisyon ang tinik ay lumalalim. Tungkol sa tinik sa paa, ang buong kasabihan nito ay " ang lumalakad ng mabilis, matinik ay malalim. Ang lumalakad ng marahan, matinik ay mababaw". Ang paksa na ito ay tatalakayin sa ibang pagkakataon.