Ang kasabihan na ito ay angkop na angkop at sinusunod noong unang panahon ng mga kastila. Ang mga tao noon ay karamihan ay walang suot na sapin sa paa. Nakatapak lamamg sila, lalo na ang mga taga-barrio , taga-bukid at mga mangingisda. Sa kalsada na dinaraanan ng mga tao ay karanuiwan ay may nagkalat na tinik, siit ng kawayan, matatalim na batute o matutulis na bagay at layak. Bibihira ang mga sasakyang kabayo o kalabaw, karwahe, karomata o karatela. Mayroon din namang gumagamit ng bangka. Kaya naglalakad lamang ang maraming tao sa kalsada at pampang papunta sa kanilang paroroonan.
Ang matuling maglakad ay mabilis ang paghakbang at medyo mabigat ang tapak o bagsak ng paa sa lupa. Kaya kapag may tinik na duduro sa nakayapak na paa ay medyo malalim at sa kabilang banda, kung ang lakad ay marahan ang bagsak ng paa ay medyo banayad at kung makatapak man ng tinik ay mababaw lamang at maari pang maitaas ang paa bago pa bumaon ang tinik na malalim. Dito natin nakuha ang kasabihang " Ang lumakad ng matulin, matinik malalim. Ang lumakad ng marahan, matinik mababaw. "
Marami ang nagsasabi na ang kasabihan na ito ay hindi na naakma sa mga panahon ngayon. Uso na ang tsinelas, step-in, sapatos at bota. Wala ng naglalakad na ring naglalakad ng nakayapak sa kalsada. Marami naring uri ng sasakyan. Pero kung lilimiin natin ang ibang ibig pagkahulugan ng ating paksang kasabihan, ito ay makatotohanan pa rin kahit ngayon sa kasalukuyang panahon. Kung ihahambing natin ang paglakad sa paggawa ng hakbang ng pagpapasiya, pagpapaplano, itong kasabihan na ito ay akmang-akma at kapupulutan ng aral at kabutihan. Kung ang isang hakbangin ay gagawing padalosdalos o mabilis, kapag ito ay nagkabisala at pumalpak, ang resulta ng pagkakamali ay malawakan, wika nga ay malalim at
mahirap ng maituwid at mabigyan ng karampatang lunas. Sa kabilang dako, kung ang pagpapaplano ay pinag-isipang mabuti at ginawa ng marahan at hindi pabigla-bigla, kung magkamali man, ang resulta ay maliit at mababaw lamang ang danyos at maaari pang maari pang maremedyuhan.
Kung pakikinggan natin ang ipinapayo ng kasabihn ito " Ang lumakad ng matulin, matinik malalim. Ang lumakad ng marahan, matinik mababaw. ", tayo ay maggiging maingat sa ating mga hakbangin upang tayo ay makaiwas sa masamang kahihinatnan ng mabilisang pagpapaplano at pagpapasiya.