Ito ay may marami pang kahawig na kasabihan tulad ng :
a) KAPAG HANGIN ANG ITINANIM, BAGYO ANG AANIHIN;
b) AKO ANG NAGTANIM, UMANI AKO RIN, AKO ANG NAGSA-ING, IBA ANG KUMAIN ;
c) KAPAG MAY TIYAGA, MAY NILAGA.
Kapag ikaw ay nagtanim ng binhing palay, pagdating ng takdang panahon, ikaw ay may palay na magagapas para gagawing bigas o binhi na para magamit sa susunod na taniman.
Kapag ikaw ay nagtanim ng puno ng prutas, pagdaraan ng mga araw, ikaw ay may mapipitas na bungang kahoy, kapalit ng iyong pagpupunyagi at pag-aalaga. Ang
kasabihang " kapag may itinanim, may aanihin " ay napapatunayan din kapag ay nagbigay ng pabor sa isang tao, sa pagdaraan ng araw, ikaw ay masusuklian ng
kabutihan ng taong iyon. Maaring ito ay sa ibang bagay at pamamaraan at maaring mas mahalaga kaysa sa orihinal na pabor. Kung gumawa ka ng isang kabutihan, kabutihan ang magiging ganti.
Sa kabilang banda, kapag kaasamaan ang inihasik, kasamaan din kadalasang ibabalik sa iyo. Ang kahawig ng paksang kasabihan ay" kapag hangin ang itinanim, bagyo ang aanihin". Batid natin na ang bagyo ay namumuong hangin na dumami , bumilis humagupit na may kasamang malakas na ulan. Ang hangin ay maaring ihalintulad sa kasinungalingan at kadalasan ay sinsabi nga nating kapag may nagmamayabang at ito'y kabulastugan lamang na ang taong ito ay mahangin.
Kapag ang isang tao ay sobra na sa kasinungalingan, o kahanginan, ito ay nakapupuno na at hindi kalaunan ang mapapala niya ay bagyo ng pagpula at unos ng galit at hindi pagtitiwala ng kanyang mga kapuwa tao, tuloy ang pagkawasak ng kanyang karangalan at pagbagsak ng kanyang katayuan sa buhay.
Kung pahahabain natin ang paksang "pagtatanim", mayroong pagtatanim na iba ang nakinabang ng ani. Mayroong isang binata na nangligaw, umibig at naibig naman. Pinag-aral ang kanyang kasintahan, ibinili ng damit pangkasal ngunit bago maganap ang kasalan ay itinanan ang kanyang nobya ng ibang lalaki sa sapilitan o sa kagustuhan narin ng babae. Maraming beses na itong nangyari.
Mayroon din namang isang negosyante na nakaimbento ng isang makina o sytema na kanyang pinagaling at nasubukan ito ngunit sa katapusan, ang imbensiyon ay nanakaw at iba ang nakinabang. Hindi man maganda kasabihang ito " ako ang nagtanim, umani ako rin, ako ang nagsaing, iba ang kumain" ay nagkakatotoong maraming ulit at dapat kapulutan ng aral. Mag-ingat at huwag maging pabaya at mapag-ubaya sapagkat baka mapunta lamang sa iba ang pagtatamasa sa bunga ng pinagpaguran.
"Kung may tiyaga, may nilaga". Itong kasabihan naito hindi lamang itinutuon sa pagkain kung hindi sa lahat ng bagay na binigyan ng pagpupunyagi, tiyaga at pagpapawis.
Nandiyan na nga ang halimbawa ng pagtatanim ng palay at bungang kahoy na sa kalaunan ay may tatamasahin ani. Sa lahat ng gawain ay tiyaga ang kailangan. Alam natin ang putahing nilaga ay nangangailangan ng mahabang panahon ng pagluluto. Kadalasan ay ang pata, paa o buto-buto ng baboy o baka ang ginagawang nilaga.
Kailangan nito ang mahabang pagpapakulo para palambutin ang karne. At sa katapusan ng mahabang oras ito ay sasahugan ng gulay at sa wakas may roon nang makakain na masarap na ulam na nilaga.