Part 10
(314)
Tinuloy ni Jose, paghanap kay Maria
Upang ulilatin kalagayan niya
“Yon kaya’y bumuti, baka sumama pa
O lalong nalugmok, sa hirap at dusa.
(315)
Ang kaib’han ngayon ay walang sasakyan
Siya na hiniram sa ‘sang kaibigan
Siya ay sumakay sa jeep na “Sarao”
At saka bumaba sa ‘sang panulukan.
(316)
Si Jose’y naglakad at saka ginaygay
Kalsadang makipot at batu-batuhan
Kalyeng maliliit, bako-bakong daan
May takot ang loob na kanyang nilakbay.
(317)
Sa harap ng isang tindahan sa kanto
May malaking mesang hugis ay k’wadrado
Doo’y nakaupo ang mga sanggano
Katawa’y may tattoo, saka hubad baro.
(318)
Sa pag-iinuman sila ay masaya
At humahalakhak saka tumatawa
Iba ang salita, pa-Inglis Inglis pa
Mga kalungkutan, parang wala sila.
(319)
Si Jose’y naglakad nang dere-deretso
Ang nasasalubong hindi sinisino
Ulo’y nakataas, nakakunot noo
Hindi pinapansin ang tanawin dito.
(320)
Walang ano-ano, siya’y sinutsutan
Nang walang magawa at sigang istambay
Ng siya’y tumingin, siya’y kinawayan
Matapang na boses, siya’y sinigawan.
(321)
“Pare! sandali lang!” ang sigaw ng sutil
“Sa paglalakad mo, ikaw ay tumigil
Ipihit ang paa’t lumapit sa amin
Ang mga utos ko, sana’y iyong dinggin.”
(322)
At sa paglalakad, si Jose’y huminto
Kapag di tumigil baka saktan ito
Ng mga taong kapag grupo-grupo
Malakas ang loob, akala mo sino.
(323)
Si Jose’y pumihit at saka humakbang
Patungo sa lugar ng nag-iinuman
Ng siya’y sumapit siya ay tiningnan
Upang siyasatin, kanyang katauhan.
(324)
Tumayo ang pinaka-pinunong si Tonio
Lumapit kay Jose at siya’y inino
Inabot ang kamay at kay tigas nito
At saka sinabing, “Kumusta ho kayo?”
(325)
Sa wikang narinig, Si Jose’y nagulat
Di inaasahan salitang kay galang
Ang pagbating itong tatak paaralan
Bihirang marinig sa ganitong lugar.
(326)
“Ikaw ay maupo, aking kaibigan
Saka ipanatag iyong kalooban
Kahit na kami ay istambay lamang
Hindi nananakit nang walang dahilan.”
(327)
Nang nakaupo na, siya’y kinabahan
Pa’no kung gulpihin at siya’y masaktan
Mabali ang buto’t mawalan ng malay
Sinong magbabayad, kanyang mga utang.
(328)
“Ang dahilan pare, ikaw ay hinarang
Di upang gulpihin at ikaw ay saktan
Kundi ang humingi at kami’y ambunan
Kahit na pambili ng ‘sang lapad lamang.”
(329)
Dinukot ni Jose, perang nakatago
Kahit karuwaga’y mabuti na ito
Para maiwasan itong basag-ulo
Baka kung tumutol, magalit si Tonio.
(330)
“Salamat, salamat, salamat Katoto
Magalang na sabi ng sigang si Tonio
Paghingi ng pera ay di namin gusto
Wala nga lang kaming mahingian nito.”
(331)
“Ikaw ay uminom kahit beer man lamang
At upang mabasa iyong lalamunan
Iya’y sasariwa kapag nadiligan
Alak na malamig, saka malinamnam.”
(332)
Ang sagot ni Jose’y, “Aking kaibigan.
Di p’wedeng tumagay ng inuming iyan
Ako ay mayroong isang karamdaman
Sakit na makirot, “gout” ang pangalan.”
(333)
Sa pag-iinuma’y iisa ang gamit
Nang tunggaang basong lama’y pampainit
Nagpalipat-lipat, nagpapalit-palit
Sa maraming kamay at maraming bibig.
(334)
Iisa rin ang kanilang gamit na kutsara
Sandok ng pulutang mga pampagana
Di man lang banlawan sa ‘sang palanggana
Para mikrobyo’y mabawasan sana.
(335)
Nakasisindak, tanawing ganito
Mga kalinisan, di na pansin dito
Di ba nila alam, ang dahila’y ito
Kaya kumakalat, mga mikrobyo.
(336)
Naglilipat-lipat ang maraming sakit Dahil sa paggamit ng iisang gamit
Ang Hepatitis B at Hepatitis C
Ang Tuberculosis, saka beri-beri.
(337)
Sila’y nagpalitan, mga kuro-kuro
At ang pulitiko ay isa na rito
Ang bagay na ito kapag binuksan mo
Ang mga usapan ay biglang gugulo.
(338)
Bakit kaya tayong mga Pilipino
Ay napakahilig sa larangang ito
Kahit anong sama, kahit anong gulo
Ating papasukin, itong pulitiko.
(339)
Marami pa silang paksang tinalakay
Kahit na ang iba’y walang katuturan
Datapuwa’t ito ang buhay istambay
Kahit ano na lang ay pag-uusapan.
(340)
Nauwi kay Tonio, kanilang usapan
Bakit siya’y naging laman ng lansangan
Kasalanan ba n’ya ang kinauwian
At kinahinatnan ng kaniyang buhay.
(341)
“Ang sabi ni Tonio’y, “Huwag mong isipin
Aming kagustuhan, nangyari sa amin
Kami ay tao ring may puso’t damdamin
Marangal na buhay, ang aming hangarin.”
(342)
“Dapat mong malaman, tunay na dahilan
Na kami’y lumabas na mga istambay
Ay walang trabahong kaming mapasukan
At walang magawa sa ‘ming mga bahay.”
(343)
“Kung mayroon sanang, mga magbibigay
Ng kahit na ano, na pagkakitaan
At kahit na ito ay patay katawan
Aming tatanggapin ng may kasiyahan.”
(344)
“Papasukan namin kahit ano na lang
Kahit na masunog sa init ng araw
Kahit na kumapal aming talampakan
Lumaki ang kalyo sa ‘ming mga kamay.”
(345)
“Walang palaruang p’wedeng paglibangan
O kaya’y aklatan na p’wedeng puntahan
Upang sobrang oras, aming pagdausan
Nang hindi mabagot sa kaiistambay.”
(346)
Nauwi kay Jose, kanilang usapan
Saan siya galing, siya’y tagasaan
Ba’t siya narito’t ano ang dahilan
Siya ay napunta sa ganitong lugar.
(347)
“Nakikita mo ba ang kapaligiran?
Tingin ko’y di akma sa ‘yong kalagayan
Sa damit mong suot at ayos mong iyan
Dapat naro’n ka sa magandang lugar.”
(348)
“Tingin ko sa iyo ikaw ay mayaman Palad ay manipis, maputi ang kulay
Sapatos na suot, ibang iba iyan
Saka ang punto mo, para kang Canadian.”
(349)
Sinabi ni Jose kung bakit nagpunta
Sa lugar na itong puno ng pangamba
Ay upang makita, itong si Maria
At saka malaman, nangyari sa kanya.
(350)
“Di mo na’tatanong, O aking kasama
Laging iniisip itong si Maria
Ako’y naaawa, kalagayan niya
Bakit nangyayari, ganito sa kanya.”
(351)
“Pare, puwede ba?” kaniyang sumamo
“Banggitin ang lugar na pupuntahan mo
Di pa katagalan, may naganap dito
Na isang sakunang nakapanlulumo.”
(352)
Sinabi ni Jose, ang lugar ni Maria
At palatandaan ng tirahan nila
Si Tonio’y ngumiti at saka tumawa
“Mga bahay dito ay gan’yan talaga.”
(353)
Si Tonio’y tumayo at nagpaliwanag
“Huwag mabagabag, aking kaibigan
Kung aking sabihin, naganap na tunay
Pagka’t nasunugan, sinabi mong lugar.”
(354)
“Ika’y nagbibiro, O aking kasama
Di mangyayari, ganitong parusa
Buhay ni Maria’y napakalungkot na
Ganitong sakuna’y madadagdagan pa.”
(355)
“Aking kaibigan, ika’y maniwala
Tunay na naganap nasabing trahedya
Bali-balita pa, ito ay sinadya
May gustong kumamkam ng kanilang lupa.”
(356)
“Ang gustong kumamkam ay isang mayaman
Malakas ang kapit sa pamahalaan
Maraming kilala’t maraming bataan
Maraming alagad at mga utusan.”
(357)
“Kung gusto mo’y ika’y aming sasamahan
Para ang nalabi’y iyong masaksihan
At upang mawala iyong alinlangan
Sa aking sinabing, ang katotohanan.”
(358)
Nasindak si Jose sa kanyang narinig
Pinikit ang mata’t tinanong sa isip
Bakit kaya ang ating magulong daigdig
Napakarami ng taong malupit.
(359)
“Buti rin kung ako ay sasamahan mo
Sapagka’t kung hindi’y mawawala ako
Ang palatandaang noo’y nakita ko
Baka naglaho na’t saka naging abo.”
(360)
“Hindi lang iyan, aking kaibigan
Sa lugar na iyon ay may karamdaman
Ngayo’y kumakalat dahil sa kawalan
Tulong na padala ng pamahalaan.”
(361)
“At mayroon pa na isang dahilan
Sa lugar na iyo’y maraming kawatan
Sa hirap ng buhay ng mga naiwan
Kahit sa patalim, kumakapit iyan.”
(362)
“Kung ika’y handa na, tayo’y lumakad na
Ako’y magdadala, dalawang kasama
Kami ay alalay sa iyong pagpunta
Ibang maton doon, aming kakilala.”
(363)
Sino’ng magsasabing ang sigang si Tonio
Magiging kasama’t kaibigan ni Joe
Ang buhay ng tao’y tila isang libro
Hatulan mo lamang kapag binasa mo.
-----------------------------------
MAY KARUGTONG