Isang Awit ni Rene Calalang
MALULUBHANG MGA SUGAT
PAGHANAP KAY MARIA
Part 11
Scarborough, Ontario
Mon 23rd January 2012
 
 


                 Part 11
 
PAGHANAP KAY MARIA

(364)

Kanilang ginalugad ang nasabing lugar
Sila’y naghahanap ng palatandaan
Sana si Maria nawa’y matagpuan
Nangyari sa kanya, kanilang malaman.
 
(365)

Sa tabi ng isang esterong mabaho
Maliit na kubo’y doon itinayo
May isang matanda na nakatalungko
Mata’y nakatingin doon sa malayo.
 
(366)

“Magandang araw ho,” ang bati ni Joe
“Gusto kong magtanong kung papayag kayo
Aming hinahanap mag-anak na ito
Na tatlong nilalang sa bahay na kubo.”
 
(367)

Salamin sa mata’y kinuha ni Tata
Sa bulsa ng kanyang sirang kamiseta
Maingat na iyo’y isinuot niya
Pasukab na sila’y inaninaw niya.
 
(368)

“Iho! Iho! Iho! hindi mo ba alam
Sa lugar na ito ng mga istambay
Ang nangakatayo bago nasunugan
Ay mga kubo’t barung-barong lamang.”
 
(369)

“Para masagot ko, ang mga tanong mo
Konting paliwanag ang kailangan ko
Ang mga pangala’y sabihin mo, Iho
Mga tao dito ay kakilala ko.”
 
(370)

“Babaeng may anak aming hinahanap
Siya ay maganda’t mata ay mapungay
Pagkakaalam ko’y Maria ang ‘ngalan
Matanda n’yang ina’y kasama sa bahay.”
 
(371)

“Kung mag-anak ni Maria ang s’yang hanap n’yo
Ikinalulungkot kong sabihin sa inyo
Nang nagkaroon ng sunog ho dito
Wala si Maria ‘pagkat nagtrabaho.”
 
(372)

“Kaya ang nangyari’y nakulong sa bahay
Ina ni Maria na nakalupaypay
Ang anak naman ay maliit lamang
Di kayang lumabas o kaya’y tumakas.”
 
(373)

“Mainit na apoy, sila ay kinain
Di ko nakilala noong tingnan namin
Ang kanilang ayos ng aming suriin
Tulad nang madumi’t maitim na uling.”
 
(374)

Nanlumo si Jose sa narinig niya
Sa napakalungkot, nangyari kay Maria
Ng ang kanyang loob, tila sasabog na
Kanyang kinikimkim ay inilabas na.
 
(375)

Si Jose’y umiyak at saka humikbi
Di dapat ginawa ng isang, tunay na lalaki
Mabuti na ito kaysa maataki
At sa sementeryo’y malibing ang labi.
 
(376)

Tiningnan ni Jose, kasamang si Tonio
Malakas ang loob sapagkat sanggano
Ngunit kahit ano man ang tapang na tao
Luha ay tutulo sa nangyaring ito.
 
(377)

Pinayapa ni Jose, kanyang kalooban
Upang pag-iisip ay muling humusay
Nangyari kay Maria ay gusto pang sundan
Di pa natatapos ang pakikilaban.
 
(378)

“Ang nalalaman ko,” patuloy ni Tata
“Itong si Maria’y ay baka naloka
Sa mental hospital baka napapunta
‘Pagkat wala namang kamag-anak siya.”
 
(379)

Nagpasalamat sila sa tulong ni Tata
Kinuha ni Jose ang pera sa bulsa
Kanyang inilagay sa kamay ni Tata
“Pambili ho ninyo, kahit na serbesa.”
 
(380)

“Ang batang ire ay nag-abala pa
Kahit wala niyan ay mas mabuti pa
Ang aking pagtulong, di dahil sa pera
Kundi katungkulan ng isa sa isa.”
 
(381)

Sa mental hospital sila ay nagpunta
Upang si Maria’y kanilang makita
Sinabi ni Jose, hitsura ni Maria
Sa mga pasyente, sila ay dinala.
 
(382)

May ‘sang babaeng nagba bahay-bahayan
Ipinaghehele ang sanggol-sanggolan
Na gawa sa papel at saka basahan
Na ginawa niya na anak-anakan.
 
(383)

Ng kanyang titiga’y siya si Maria
Kahit ano’ng gawi’y di siya kilala
Ngunit O Diyos ko, KAHABAGAN SIYA
Pagkat si Maria’y TULOY NA NALOKA.
 
                        WAKAS

                                                            Rene Calalang                                                             Scarborough, Ontario
                                                            January 23, 2012
 
 
 
Munting Nayon News Magazine


To receive Munting Nayon updates in your Facebook account, click the Like button in this box.

 

Comments






Or, use Leave a Comment button to post your message.