Totonto, Ontario, Canada
San Jose, Hagonoy, Bulacan, Philippines
Madalas nating marinig ang kasabihang ito kapag ang isang tao ay hindi inaasahang tamaan o balikan ang sarili ng kanyang ipinupula sa kanyang kapuwa. Isang halimbawa sa isang opisina o trabaho ay may isang taong namamayabang na hindi siya nagkakamali sa kanyang gawain tulad ng kanyang mga kasamahan.
Isang araw ay nasabon siya ng kanilang amo sa harapan ng mga kapuwa empleyado niya dahil sa isang palpak o hindi tamang trabaho. Ang pula niya sa kanyang mga kasamahan ay sumambulat sa kanyang mukha at siya ngayon ang kinapos. Walang siyang maiharap sa kanyang kasamahan.
May isa pang halimbawa at ito'y may kinalaman sa Valentine Day na medyo madalas din mangyari sa babae man o lalaki ( ayon sa mga nakaraan ay mas madalas mangyari ito sa mga babae ) Ang unang sabi ng tao ay hindi niya papansinin ang opposite sex na iyon sapagkat hindi niya type ito at kesyo sarat ang ilong, maitim ang kutis at marami pang kapintasan ngunit pagdating ng panahon sila din ang nagkatuluyan.
Bagamat ang isa sa kanila ay kinapos dahil sa kanyang kapipintas, sila naman ay naging maligaya sa pagsasama at nagiging biruan na lamang ang kanilang hindi kanais-nais na nakaraan.
Kaya sundin natin ang magandang asal na huwag mamimintas at baka sa pagdating ng panahon ay kainin mo ang iyong sinabi at ikaw ay maging tapunan ng pintas at uyam. Palaging alalahanin ang kasabihang " ang nagsasabi ng taos, kadalasan siyang kinakapos. "
May isang kasabihang kahawig at katunog nito ngunit may malawak at naiibang kahulugan na tinutuntun sa ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal " NAGPUPUTOL ANG KAPOS, ANG LABIS NAGDURUGTONG NG LUBOS". Ang kahulugan nito ay medyo matalinghaga. Papaano ang kapos ay puputulan pa at papakuntian sa halip na ito ay dapat sanang punuan at paramihin. At ang labis ay dapat lamang kalusin o putulan upang maging maganda ang kabuuan. Ngunit kung ating liliripin ang ibig pagkahulugan ng ng unang bahagi ng kasabihang ito, ito ay may katotohanan. Kapag ang isang tao ay kinakapos sa pera at mga bagay-bagay, siya ay dapat lamang gumamit ng bagay na nasa kanyang palad at huwag ng magmithi ng iba pang bagay.
Putulin o ihinto ang ang ibang proyekto kapag kapos na sa mga kailangang bagay.
Ang paggastos ay dapat putulin at iyayon lamang sa kanyang kinikita. Maghinto sa pagbilibili at huwag imamax ang credit card at ng hindi malubog sa kumunoy ng pagkakautang tulad ng maraming Filipino immigrants.
Ang huling kalahati ng kasabihan " ang labis nagdurugtong ng lubos " ay makahulugan din kung lilimiin. Ang nagpapatayo ng bahay kapag labis sa badyet, ay nagpapagawa pa ng sobra sa plano. Kapag ang badyet mo ay hind lamang sapat at labislabis pa, marami kang naiisip na bilihin upang dagdagn ang karangyaan sa buhay subalit huwag nating iwawaglit sa ating kaisipan ang isa pang katotohanan na ang kaginhawahan ay nasa kasiyahan at wala sa kasaganaan.