Maituturing na pangunahin sa listahan ng isang Pilipino kung pangarap ang paguusapan ay ang makapagtrabaho sa abroad. Sa paniniwalang ito ang magbibigay ng marangya at masaganang buhay para sa ating pamilya at sa hinaharap. Bagamat isang masakit na katotohanan, isa ito sa mga kasagutan para maibsan ang medyo hindi magandang kalidad ng pamumuhay mayroon tayo sa ating bansang Pilipinas. Hindi nagiging hadlang ang iwan ang ating mga mahal sa buhay sa pag-asang dala ng pag-iibayong dagat makamtan natin ang mga mithiin at ninanaais sa buhay.

Kumpulan ng mga Kababayan natin kapag day-off…pagpapatunay ng patuloy na dumaraming manggawang Pilipino sa ibayong dagat…
Hindi naman lingid sa kaalaman ng bawat isa, na pinatutunayan ng mga ibang lahing ating nakakasalamuha sa araw-araw na likas sa ating mga Pilipino ang pagiging matiyaga at masinop pagdating sa trabaho. Isa ito sa ipinagmamalaking karakter mayroon tayo sapagkat naipapamalas natin sa buong mundo ang kakayahan at karangalan bilang isang Pilipino. Bagamat ganoon, hindi pa rin maiiwasan ang madalas na katanungang bakit kinakailangan pa natin lisanin ang ating pamilya at mahal na Inang Bayan para sa dolyar na kikitain? Bukod sa kasalatan sa buhay, ano pa ang mga bagay na nag-uudyok sa atin para mangibang bayan? Sa isang banda, hindi natin masisisi ang ating kapwa OFW dahil ito marahil ang kasagutan sa ating maraming pangangailangan sa buhay. Oo nga at marami naman ang pwedeng natin pasukan na trabaho sa ating bansang Pilipinas pero mas nakahihigit ng di hamak ang ating kikitain sa ibang bansa bukod sa katotohanang mas magaan ang klase at kalidad ng pamumuhay mayroon dito. Ano man ang dahilan mayroon ang bawat isa, ang mahalaga ay ang pag-asang dulot ng pag-iibayong dagat para sa ating sarili at pamilya.
Sa likod ng mga pangarap at marangyang buhay mayroon tayo sa ibayong dagat, nalalaman kaya ng ating mga mahal sa buhay ang mga karanasan ating dinaranas? Mga karanasan tanging tayo lamang ang makakapagpatunay. Mga mga karanasang pakaminsan ay nagbibigay sa atin ng kahinaan para sumuko sa laban ng buhay. O di kaya’y mga karanasang magpapatibay sa ating adhikain at mithiin para sa hinaharap. Isa sa mga kwentong ito ay kung paano natin nakakayanan ang kalungkutang malayo sa ating mga minamahal sa buhay. Na ang tanging paraan na alam natin para maibsan ito ay ang pag-iyak gabi-gabi sapagkat yun lamang ang natatanging makakapagpagaan sa ating nararamdaman. Sa bawat pagkakataon na naaalala natin sila, wala tayong pwedeng gawin kundi ang umiyak upang mailabas ang nagwawalang damdamin ng pagkasabik. Sa mga panahon tayo ay maysakit o may nararamdaman, walang ibang mag-aaalaga sa ating mga sarili kundi tayo lamang na kung ating iisipin, mas madali sana para sa atin na maka-recover kung nasa piling natin ang ating mga pamilya. Sa ganitong sitwasyon, mas higit natin silang naaalala lalo na ang haplos at kalinga ng ating Ina.

Ang tipikal na buhay Saudi Arabia…5-6 o higit pa na tao sa isang maliit na kwarto.
Kapag dumaraan tayo sa panahon ng panghihina para harapin ang mga kasubukan ng buhay, wala tayong ibang sandalan kundi mga kasamahan sa trabaho o mga kaibigang dito na lang natin nakilala. Na kung tutuusin mas madali sana para sa atin na lagpasan ito kapag karamay natin ang ating pamilya. Sa bawat balitang ating natatanggap mula sa Pilipinas, mga problemang maliit man o malaki; hindi natin maiwasan ang hindi mag-aalala para sa kanila. Ang mga sitwasiyong naputulan ng kuryente, nawalan ng gas, tuition fee ni bunso, birthday ni tatay, ni nanay, ni kuya at ate, pati mga pamangkin; mga kaganapan na hindi natin basta na lang balewalain sapagkat hindi kaya ng ating kunsensiya. Mga hindi inaasahang pangyayari, ang hindi makauwi kapag may mga pumanaw sa ating mga mahal sa buhay o malapit na kamag-anak; graduation ni kuya o ni ate dahil salat sa salapi o di kaya’y hindi pinayagan ng ating mga amo. Na sa likod ng ating pagka-dismaya, tanging humagulgol na lang dahil sa lungkot at pighati na nararamdaman. Mga pangyayari sa buhay na kung ating himay-himayin ay nakakapagtakang nalalagpasan natin ang mga ito.
Mga simpleng bagay kung ating iisipin nagagawan ng paraan alang-alang sa pagmamahal sa ating pamilya. Marahil sa kadahilanang likas na sa ating mga Pilipino bilang bahagi na ng ating mayamang kultura ang pagmamahal sa ating pamilya. Ngunit lingid sa kaalaman ng ating mga mahal sa buhay, hindi ganun kadaling kumita ng pera sa ibang bansa. Ang katotohanang nangungutang tayo makapagpadala at matustusan lamang ang kanilang pangangailangan. Ano man ang ating dahilan, ano man ang ating pamamaraan, isang maipagmamalaki natin bilang isang OFW ay karangalang gagawin ang lahat alang-alang sa kanila.
Bilang bahagi ng kabuuan, lahat ng sakripisyo at pagpupunyagi mayroon tayo para sa katuparan ng ating mga pangarap ay nakasalalay sa dakilang pagmamahal natin sa ating mga mahal sa buhay. Hindi natin alitana ang pagod at hirap sapagkat mas nananaig ang pag-asa ng katuparan sa ating mga pangarap, ang mabigyan sila ng masagana at matiwasay na pamumuhay. –
Marlon B. Vicente.
Ang Pinoy ay Pinoy saan mang sulok ng mundo...matinik at magaling kumpara sa ibang lahi...Ang pagpunta ng ibang OFW ay bahagi lang ang hirap ( normal nga lamang ito) ngunit kapag tumatagal na ay natututo na rin...Sa unang taon ay puro pagmamahal ang ipinapadalang mensahe sa iniwang pamilya sa Pinas...ngunit sa susunod pang mga buwan at taon ay nakagawian na ring humanap ng mapagsasandalan ng damdamin dala na rin ito ng barkada at outing kasama ng mga ibang kababayang ofw mapababae man o mapalalake...hanggang ito'y mabuo at maging isang tinatawag na "pag-ibig." Mula dito ay hindi na masyado ang pangungulila dahil meron ng iba...Uuwi man sa Pinas ay parte lamang ito dahil may pamilya ngang naturingan ngunit babalik pa rin sa ibang bansa kasama ang isa pa nyang mahal sa buhay...Yan ang tunay na OFW. Nakagawian na nyang pabalik-balik sa ibang bansa at gawin nya itong pangalawang tahanan...DALAWANG KLASE LANG ANG MAG-AABROAD...MABUO ANG PAMILYA O KAYA MAWASAK ANG PAMILYA...YAN ANG TUNAY NA BUHAY OFW...SA KAGUSTUHANG UMUNLAD O UMANGAT ANG KABUHAYAN AY MAPUPUNTA LAMANG ITO SA WALA DAHIL MASISIRA ANG NABUONG PAMILYA...MARUPOK NA HALIGI AT PUNDIDO NA ILAW DALA NG KAPUSUKAN NG KARAMIHAN SA MGA KABABAYANG OFW...KAYA MINSAN TINAWAG NILANG "SODOM AND GOMORRA" ANG SAUDI ARABIA, DAHIL DYAN NAGLIPANA ANG MGA KABABAYANG MAY "SISIDLAN..." KAYA ULTIMONG MORALIDAD AY MAGLALAHO PATI NA ANG RESPETO NG MGA ANAK SA MAGULANG...ITO BA ANG OFW KUNG TAWAGIN? NAKAKALIGTAAN DIN ANG BUHAY NG MGA ANAK AT ASAWA DITO SA PINAS...MAHIRAP DIN LALO SA PARTE NG MGA KABABAIHAN NA NAIIWAN PARA SA MGA ANAK AT UMAASANG MATIBAY ANG BISA NG MATRIMONYO NG KASAL...ITO ANG TUNAY NA OFW SA HARAP NG SINUMPAANG "YES I DO..."KAWAWANG MGA ANAK...LUMULUHANG ASAWA SA PAGKASIRA NG ISANG TAHANAN DAHIL SA KARUPUKAN NG HALIGI NG TAHANAN...YAN ANG OFW...