Eksaktong 26 taon noong Pebrero 2012 mula nang patalsikin ng mga mamamayang Pilipino ang isang diktador na naghari sa bansa sa loob ng maraming taon.
Ang itinuturing na diktador ay si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos na makalawang nahalal na Pangulo sa demokratikong pamamaraan, pero piniling manatili sa puwesto kahit ipinagbabawal ng Constitution ang pangatlong termino.
Siya ay pinalitan na Mrs. Corazon Cojuangco Aquino, biyuda ng martir na Sen. Benigno S. Aquino Jr.
Noong Setyembre 21, 1972, idineklara niMarcos ang martial law at nanatili sa posisyon hanggang kumalas at mag-alsa sina dating Defense Miinister Juan Ponce Enrile at ex-Vice Chief of Staff Lt. Gen. Fidel V. Ramos, na noon ay concurrent PC-INP chief din.
Noong Pebrero 22, 1986 nagsimula ang tinatawag na People Power Revolution, higit na popular sa turing na Edsa One.
Nagkuta sina Enrile at Ramos sa Camp Aguinaldo matapos dakpin ng mga tauhan ng noon ay AFP chief of staff Gen. Fabian C. Ver ang mga tauhan ni Enrile na pawang intelligence officers sa paligid ng Malacanang.
Natunugan ni Enrile na siya ay ipadarakip ni Marcos dahil sa tangkang coup d' etat kung kaya nagmamadali siyang nagpunta sa Camp Aguinaldo kasama ang noon ay Army Lt. Col. Gregorio "Gringo" Honasan at mga piling pinuno at tauhan niya sa Ministry of National Defense.
Tinawagan niya si Gen. Ramos na noon ay nasa kanyang bahay at tandisang tinanong ng MND chief kung si Ramos ay sasama sa kanya.
Walang atubiling sumang-ayon si Ramos na noon ay dismayado na rin sa rehimeng Marcos dahil sa mga maling polisiya at pamamalakad ng pinsang Pangulo sa hanay ng military.
Pangunahin dito ay ang pagkabigo ni Ramos na matamo ang pagiging AFP Chief of staff na ibinigay kay Gen. Ver dahil sa walang kuwestiyong katapatan ng Heneral.
Ang sumunod na mga pangyayari ay kasaysayan na. Tumiwalag sina Enrile at Ramos, at noong Pebrero 25,1986 tumakas si Marcos kasama ang pamilya at ilang piling military officers para magtungo sa Guam, pagkatapos ay sa Hawaii upang manatiling isang exile hanggang sa siya ay yumao. Bert de Guzman
(Foot Note: Isa ako sa mga reporter noon na naka-assign sa Ministry of Defense, at kasama ako sa ipinatawag na presscon ni JPE. Kabilang ako sa unang saksi sa pagkalas nina JPE at FVR laban sa rehimeng Marcos.)