Iniutos ng Supreme Court ang pamamahagi ng 4,915.75 ektaryang lupain ng Hacienda Luisita sa may 6,296 manggagawang-bukid at benepisyaryo ng sugar estate na pag-aari ng pamilya Cojuangco na kinabibilangan ni Pangulong Noynoy Aquino.
Sa wakas, malilinang na nang ganap ng mga magsasaka ang lupain na deka-dekadang taon na sinaka ng kanilang mga ninuno. Kilala ko ang hirap, dusa, pawis at gutom ng mga magsasaka bagamat ang binubungkal noon ng aking Tatang sa Bulacan ay taniman ng palay at hindi tubo o sugar cane sa malawak na lupain ng Hacienda Luisita sa Tarlac.
Panahon na talagang ipagkaloob ng mga hacendero at mayayamang maylupa sa mga magsasaka, paysano at mararalitang taga-nayon ang lupain na karugtong ng kanilang bituka, kapiling-piling sapul sa pagsilang at hanggang sa kamatayan ay kayakap pa rin ang kahirapan!
Kung talagang naniniwala ang China na pag-aari nila ang Panatag Shoal (Scarborough), bakit tumatanggi silang dalhin ang usapin sa International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS)? Huwag sana nilang duruin nang duruin ang Pilipinas komo ito ay mahina, maliit at mahirap na bansa. Tandaan, walang malaking nakapupuwing!
May mga balitang nag-uusap ngayon ang mga pinuno ng LP ni P-Noy at NP ni Sen. Manny Villar para sa posibleng koalisyon sa 2013 elections. Di ba kasabihang sa pulitika, walang permanenteng kaaway o kaya'y kaibigan. Kalaban noon, kaibigan ngayon. Kasama noon, kaaway ngayon. Di ba ang kampo ni Villar ang humamon kay P-Noy na sumailalim sa mental fitness test noong 2010 elections sa bintang na siya ay nagkaroon ng "pyschiatric problem"?
Pinuna ni Philippine Ambassador Jose Cuisia ang mapanlait na remarks ni Washington D.C. councilman Marion Barry na hindi dapat kunin ng mga lokal na ospital doon ang mga Asyano, kabilang ang Pinay nurses. Kawawa talaga ang Filipino nurses -- sa Pilipinas may 300,000 ang walang trabaho, pag nasa Amerika naman, napagdidiskitahan. Di ba alam ni Barry na ang Pinay nurses ay may natatanging katangian, ang TLC o Tender Love and Care? Sige nga, meron bang TLC Mr. Barry ang mga Caucasian, kabilang ang american nurses, sa mga pasyente gaya ng ating nurses?
Sa namamayaning init ngayon sa maraming panig ng bansa, puwedeng magprito ng itlog sa tapalodo ng kotse. Ang lunas sa init -- maligo nang 2 o 3 beses at uminom ng 13 baso ng tubig sa maghapon!
Bert de Guzman