Pag-ibig sa tinubuang lupa!
Tue 29th May 2012
Hindi maikakaila na tayo, bilang mga Pilipino ay may malalim na pagmamahal sa ating kinagisnan at kinalakhan bayan. Marahil ito sa dahilang ang lupang ating tinubuan ay nagtataglay ng mga alaalang naging bahagi ng ating buhay na kailanma’y hindi maibabaon sa limot. Dito nagpasimula ang lahat ng ating mga pangarap at mithiin sa buhay. Mga pangarap na sa kabutihang-palad ay unti-unting nagkakaroon ng katuparan dala ng pagkakataong makapagtrabaho sa ibang bayan.
Likas sa ating mga Pilipino ang mapamahal sa lugar na ating unang nasilayan. Ang walang-kapantay nitong ganda ay nagbigay inspirasyon sa atin para mas pagandahin ito. Isang lugar kung saan nagsimula ang lahat. Dito nabuo ang isang pamilyang ating minahal at inalagaan – sa ating tahanan. Ang pamilyang naging kaagapay natin sa lahat ng hamon ng buhay. Dito rin kung saan tayo unang namulat, nadapa, naglakad, nadumihan, nasugatan at nagaral. Higit sa lahat, ito ang lugar kung saan tayo nanirahan na siyang nagbigay sa atin ng mga magagandang pangyayari sa ating buhay o kung hindi ma’y nagdulot rin ng hindi kanais-nais. Dito tayo hinubog ng panahon sa kung ano at sino tayo sa kasalukuyan. Mga karanasang nagbibigay alaala at silip sa ating Kabataan. Mga alaala ng kahapon na nakakapagdulot ng ngiti sa ating mga labi. O di kaya’y mga naalala ng pait ng kahapon na siyang dumurog sa ating damdamin at pagkatao. Bagama’t ito ay isang bahagi, tandaan na ano man ang ating naging karanasan, ito man ay mabuti o masama, masaya man o malungkot, maituturing pa rin na isang bahagi ng ating buhay na siyang humubog sa ating pagkatao. Sino man tayo o ano man ang narating natin sa buhay, hindi maikakaila na ang lugar na ating kinamulatan ang siyang humubog sa ating pagkatao.
Bilang isang OFW, madalas nasasagi sa ating mga isipan ang lugar kung saan tayo lumaki at nagka-isip. Namumutawi ang mga karanasan kung ating babalikan ay nagbibigay ng pakiramdam ng kasiyahan. Mga lugar kung saan unang namukadkad ang ating Kabataan na siyang nagbigay sa aitn ng inspirasiyon para sa kinabukasan. Walang kasing-saya na balikan ang alaala ng nakaraan sapagka’t ito ay isang bahagi ng kahapon na naging instrumento para marating natin ang ating kasalukuyan at patuloy na nagbibiay daan para sa ating hinaharap. Marahil, lahat tayo ay ninanais na muling balikan ang lugar kung saan nagpasimula ang lahat at doon muling manirahan, hindi man pansamantala bagkus pang-habambuhay.
Ang dakilang pagpapahalaga at pagmamahal natin sa ating lupang tinubuan ay hindi matatawaran. Maaaring marami na ang nagsulputang mga magagarbong
condo units at
residential villages pero iba pa rin ang lupang tinubuan. Ika nga sa ingles,
“there’s no place like HOME.”