Sino ba talaga si Baker Atyani, ang Jordanian TV journalist, na nagpunta sa Sulu para diumano kapanayamin ang lider ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG)? Naguguluhan si Sulu Gov. Abdusakur Tan, ang military at maging ang PNP, kung talagang ano ang tunay na layunin ni Atyani, bureau chief ng Dubai-based Al Arabiya TV network sa Southeast Asia.
Talaga bang ang hangarin niya ay makapanayam ang tulisang ASG at makakuha ng magandang report o documentary tungkol sa may 400-miyembro ng grupo o siya ay isang "conduit" lang ng al-Qaida international terror group para makapaghatid ng pondo para sa mga bandido? Pakisipat nga ito AFP chief of Staff Gen. Jessie Dellosa at PNP Chief Nick Bartolome!
Samantala, kapwa itinanggi nina DILG Sec. Jesse Robredo at Chief Supt. Mario Avenido, PNP Chief sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), na naghihingi ng P50 million ransom ang ASG faction leader na si Nadzmir Alih para sa ikalalaya ni Atyani at nina cameraman Rolando Letrero at audioman Ramelito Vela. Tinanong ko si Mr. Bing Formento, pangulo ng Defense Corps of the Philippines, tungkol sa isyu kay Atyani, at naniniwala siyang trabaho lang ito ng Jordanian.
Alam ba ninyong kahit tinalo ni US boxer si boxing icon Manny "Pacman" Pacquiao, pangalawa pa rin siya sa listahan ng 100 richest athletes sa mundo? Nangunguna si Floyd Mayweather na kumita ng $85 milyon, si Pacman ay $62 million samantalang si Tiger Woods na sikat na golfer at No. 1 sa listahan sapul noong 2001 ay pangatlo sa kanyang $59.4 million.
Tinanong ko si sports columnist Recah Trinidad, classmate ko sa Journalism course sa UST noong 19-forgotten, kung si Bradley ba ang makakalaban ni Pacman sa Nov. rematch. Malamang daw ay hindi si Bradley kundi si Mexican boxer Juan Manuel Marquez dahil siya ang tanging boxer na talagang nagpahirap kay Manny, at marami ang naniniwalang panalo si Marquez sa nakaraang mga laban nila kung kaya ito ang karapat-dapat na makalaban sa Nobyembre. Hindi raw exciting ang laban kay Bradley dahil maliwanag na si Pacquiao ang panalo kaya lang mga duling, este malalabo yata ang mata, ng tatlong damatang hurado na pawang taga-Nevada kaya natalo sa split decision!
By the way, dalawang US senator na pawang naging boksingero sa kanilang kabataan ang nabulabog din sa kontrobersiyal na pagkatalo ni Pacman kung kaya nag-file sila ng panukala sa US Senate para lumikha ng isang pambansang lupon, ang United States Boxing Commission, na mangangasiwa sa federal boxing law, makikipag-uganayan sa industriya at local commissions, paglilisensiya ng boxers, promoters, managers atbp. Sila ay sina Arizona Sen. John McCain na naging boxer noon sa US Naval Academy at Nevada Sen. Harry Reid na ex-middleweight boxer.
Well, tahimik lang si Pacquiao kahit siya natalo. Kumita naman siya ng $26 million bukod pa sa pay-per-view. Bukod dito, naniniwala siyang ganoon ang kagustuhan ng Diyos! Tama ka Pacman, at sana sa muli mong pakikipagsagupa, ihiwalay mo ang para sa boxing at ipagpatuloy ang Bible reading!
Bert de Guzman