Katambayers ng ‘TFCs Kabayan Tambayan,’ ating kilalanin
Riyadh, Saudi Arabia – Sa loob ng halos dalawang buwan simula ng ito’y sumahimpapawid noong ika-4 ng Hunyo, pinatunayan ng bagong programa ng ABS-CBN TFC na ‘Kabayan Tambayan’ sa pangunguna ng Cardio Boys ang kanyang misyong makapagbigay saya at aliw sa mga OFWs (Overseas Filipino Workers) sa buong Gitnang Silangan.

(Ang mga Katambayers ng Saudi Arabia – Photo courtesy of JP Aleta)
At sa nasabing maikling panahon, marami na sa ating mga Kabayan ang naging “instant bida” sa loob ng sampung minuto, araw-araw. Sa kabila ng tagumpay na programang ito, atin namang kilalanin ang mga ‘Katambayers’ na nagbigay-daan para sa katuparan ng isang programa na “ikaw” mismo ang bida Kabayan.
Maribel Hernaez, Dubai, UAE. Siya ang Regional Marketing Head ng ABS-CBN Middle East at isa sa mga utak para maisakatuparan ang Kabayan Tambayan. Sa kanyang pagbisita sa Riyadh noong nakaraang Abril para sa launching ng kauna-unahang OFW-serye na “Kung Ako’y Iiwan Mo” na ginanap sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh, nabanggit niya na isa nga sa aabangang programa sa TFC (The Filipino Channel) ay ang Kabayan Tambayan, kung saan ito ang magiging bagong tambayan ng ating mga OFWs sa Gitnang Silangan. Kasabay ng launching ng nasabing OFW-serye ay ang audition, na pinangasiwaan ni JP Aleta, bilang paghahanda sa paghahanap ng mga magiging Katambayers. Sa kasalukuyan, isa si Hernaez sa nagsusulong ng mga programa at aktibidades para sa mga OFWs sa buong Gitnang Silangan.
John Paul Aleta, 29, Riyadh, KSA. Bukod sa pagiging isang Plaza Management Coordinator/Employee Relations Analyst ng Al Akaria Group of Companies sa Riyadh, mas kilala siya bilang “JP Aleta” ng Balitang Middle East, kung saan isa siya sa mga aktibong Correspondents ng ABS-CBN Middle East. Dahil dito, siya ang naatasan bilang Middle East Coordinator ng Kabayan Tambayan, para mangasiwa sa mga kwelang istorya ng mga OFWs at sa patuloy na paghahanap ng mga karagdagang Katambayers. Lingid sa nakararami, si JP ay isa rin performer; isang magaling na mananayaw at mang-aawit. Sa edad na 29, maituturing na siyang inspirasyon ng maraming OFWs, bilang isang magaling na host at mamamahayag.
Annizah Camid, 20, Riyadh, KSA. Isa siya sa dalawang natatanging babae na Katambayers; matangkad, maganda at matalino. Kahit katatapos pa lamang niya ng kursong AB Mass Communication, nakapasok agad siya bilang Admission Officer sa International Groups for Educational Consultancy. Bagama’t nagtapos ng kursong may kinalaman sa TV, hindi sumagi sa isipan ni Annizah ang maging isang host at makita ang sarili sa TV. Nguni’t ng makagawa siya ng 2 covers; kanyang napagtanto na hindi lamang pala basta host, bagkus ito’y isang public service din. Ayon sa kanya, “
Iba ang pakiramdam na makapagbigay ka ng saya sa mga OFWs at makita ang matatamis nilang mga ngiti, na kahit sa aking kasalukuyang trabaho ay hindi ko ito nakita at naramdaman.”
Mark Brian Gatdula, 25, Riyadh, KSA. Bagama’t isang lisensyadong nurse na kasalukuyang nagtatrabaho sa Obeid Specialized Hospital sa Riyadh, hindi inakala ni Brian na mapapabilang siya sa mga Katambayers. Ayon sa kanya, ang ‘talent fee’ ang pumukaw ng kaniyang atensyon para subukang mag-audition, bilang sagot sa pangungulit ng kaniyang mga kasamahan, sa isang event na kanilang dinaluhan kung saan naroon si JP Aleta. Pero, kalauna’y nakita niya ang halaga nito, ang makilala ang mga OFWs na may kanya-kanyang personalidad. Ito ang nagbigay-daan para seryosohin at ganahan siya sa kanyang bagong libangan, ang makisaya sa kapwa niya OFWs at lalo pang hasahin ang kanyang bagong tuklas na talento, ang hosting.
Mjhae Manjeron Bateo, 20, Riyadh, KSA. Hindi lang siya isang actor, singer, model at beauty queen (Ms. Philippines-Saudi Arabia 2010) bagkus, isa rin siyang potential na host. Ayon kay ‘MJ’ madalas na tawag sa kanya, “
As in super unexpected ang pag-audition ko bilang Katambayer kasi impromptu at ako pa ang nauna sa apat na auditionees. Pero dahil ABS-CBN ang kumakatok, go for the gold ako. Besides, isang malaking oportunidad ito para mas lalong mahasa ang aking public speaking skills, boosts my confidence at ma-meet ang iba’t-ibang klase ng tao.” Bukod sa pagiging Katambayer, si MJ ay kasalukuyang nagtatrabaho sa Dr. Suleiman Al Habib Medical Group sa Riyadh bilang Medical Secretary.
Jhulsan Mark Dela Cruz, 27, Dammam, KSA. Ang nag-iisang Katambayer sa Dammam, si Jhulsan ay isang Secretary sa Metals Corner Trade & Industry Co. Ltd. Isa marahil sa nag-udyok sa kanya para maging isang Katambayer ay pagka-hilig sa mga comedy-romance films bukod sa camping at paglalaro ng indoor at outdoor games katulad ng playing cards at badminton. Ayon kay Jhulsan, “
Hindi madali ang mag-isa sa ibang bayan. Mahalaga na kahit paminsan-minsan ay nabibigyan mo ng konting pagkakataon ang ating mga kababayan na maipadama sa kanila na kahit nasa malayong lugar sila, para lamang sila nasa sa Pilipinas dahil sa programang Kabayan Tambayan, na kung saan may pagkakataon sila na bumati at kamustahin ang kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.”
Ronald Tapang, 29, Dubai, UAE. Isang Shift Supervisor si Ronald sa Emirates National Oil Company (ENOC) sa Dubai. Nagsimula sa “trip-trip” lang, hindi niya inakala na iyon na pala ang simula. “
Like na like ko kasi talaga yung impact, iba. Lumalabas ang pagiging masayahin ng mga Pinoy bagama’t malayo sila sa kanilang mga mahal sa buhay. And this show proves that Da Best ang mga Filipino. Thanks for the opportunity Kabayan Tambayan,” bulalas ni Tapang. Bukod sa pagiging Katambayer host, mahilig din siyang sumayaw ng hiphop, maglaro ng basketball, mag-malling at manood ng movies.
Raymund Recamada, 25, Kuwait City, Kuwait. Isang OFW na ang tanging mithiin sa buhay ay ang katuparan ng kanyang mga pangarap para sa kanyang pamilya. “
Bilang OFW hindi madali ang mapalayo sa pamilya. Hangarin kong mapatapos ang aking mga kapatid. Naniniwala ako sa kasabihang, “laughter is the best medicine” dahil natural ito sa ating mga Pinoy, ang pagiging masayahin sa kabila ng problema at hirap na pinagdadaanan. At bilang isang Katambayer, nais kong ibahagi ang libreng oras ko sa kapwa ko Outstanding Filipino Workers - and that’s how I define OFW,” bungad ni Recamada, isang Crew Trainer ng Al Mousherji Catering Company sa Kuwait.
Ardee De Leon, 28, Doha, Qatar. Hindi na bago sa kanya ang pagho-host sapagka’t madalas siyang maimbitahan sa mga anniversary, birthday, weeding at small gathering events bilang host. Si Ardee ay isang Document Controller sa Trading and Agency Services Ltd. sa Doha. Ayon sa kanya, “
Masaya ako kapag nakikita ko silang tumatawa, sumasabay sa mga kakulitan ko. Wala kasing kapalit iyong kaligayahan na nakikita mo, sa mga ang simpleng ngiti at malaking bagay na ‘yun para sa kanila, bilang malayo sa mga mahal nila sa buhay. Sa pamamagitan nitong Kabayan Tambayan alam ko mas marami pa akong mapapasayang tao dito sa Qatar maging sa buong Gitnang Silangan.”

(Mula sa kaliwa, Ronald Tapang-Dubai, Raymond Recamada-Kuwait at Ardee De Leon-Qatar – Photo courtesy of JP Aleta)
Sa kasalukuyan, bukas pa rin ang audition para sa mga nagnanais maging isang Katambayer ng Kabayang Tambayan, ang sumisikat na bagong tambayan ng mga OFWs. Muli, samahan ang Cardio Boys at mga Katambayers, sa sampung minuto ng kulitan, araw-araw, Lunes hanggang Biyernes 5:20 am Saudi Time at 6:20 am Dubai Time at sa primetime 8:20 pm Saudi Time at 9:20 am Dubai Time. (Marlon B. Vicente, an OFW based in Riyadh, Saudi Arabia. E-mail at
m.vicnte21@yahoo.com)
Ardee deserves to be one of the Tambayers' correspondents. He used to make us laugh and happy all the time.