Pag sumasapit ang mga buwan ng Nobyembre hanggang sa buwan ng Enero ay maraming Pilipino ang nagsisiuwi sa Pilipinas. Maganda kasi ang panahon at masasaya ang mga tao. Higit sa lahat, nadarama ng mga nagsisi-uwing mga Pilipino ang tunay na diwa ng Pasko, dahil kapiling nila ang kanilang mga mahal sa buhay, gayundin, kasama silang nagsisigalaw at kumikilos ng ayon sa kanilang kinamulatang tradisyon, at pagdiriwang.
Kadalasan, Mayo pa lamang ay nakabili na sila ng mga tiket pauwi. Mayo pa lamang ay naghahanda na sila ng mga kailangang dalhin at ipasalubong. Madalas ding may mga kahon-kahon pa silang pasalubong na ipinadadala sa pamamagitan ng “Door to Door.” Sa ganoong paraan, sigurado silang mabibigyan ng pasalubong ang lahat ng kanilang mga mahal sa buhay, na kasiyahan na nilang gawin.
Dahil sa labis na pananabik na makauwi, madalas nilang maikuwento sa kanilang mga kaibigan na uuwi sila sa ganito at ganoong petsa, at dahil naging kaugalian na nating mga Pilipino ang Pakikidala, kayrami tuloy ang nakikidala na hindi naman sukat matanggihan ng nagsisi-uwi.
Sabi ng magdadala:
“Nakakahiya naman kung tatanggihan ang mga malalapit na kaibigan, na madalas ay magtampo kapag hindi tinanggap ang padala. “
Madalas mawika ng tinanggihan na:
“Para yon lang ay hindi pa madala. Parang wala akong ipinakisama.”
Wika naman ng magdadala:
”Kahit pa nga sabihing kung puwede lang ay maliit na bagay lang ang ipakidala, ay kung bakit madalas, higit pa sa isang maliit na bagay ang ipinakikidala.”
Dahil dito nagiging alalahanin pa ng nagdala ang pagbibigay ng mga ipinakidala sa mga kinauukulan, bukod pa, sa nakadadagdag pa ang mga ito sa napakarami na nilang mga bitbit at dala-dalahan.
Bakit nga ba naging kaugalian na natin na pag may uuwi ay nakikidala tayo? Dahil ba sa inaakala nating hindi naman tayo tatanggihan ng ating pinakikidalhan? Dahil din ba sa tinatapangan na lang natin ang ating hiya dahil gusto rin nating mabigyan ng kasiyahan ang ating mga kapamilya, kamag-anak, at kaibigan? Dahil din ba sa mahigpit ang kanilang mga pangangailangan sa pananalapi na kailangang mapadalhan kaagad-agad, at mas malaki ang magiging kapalit ng dolyar kung ang mga tumanggap ang siyang magpapalit sa Pilipinas, dahil maaaring ipalit sa “black market.”
Ang makapagbigay ng kasiyahan sa iba ay isang kaugaliang napakaganda, kaya nga kahit tayo mahirapan ay may ngiti pa rin sa labing tinatanggap natin ang mga padala. Katwiran natin ay kaysa naman magtampo sa atin ang ating mga kaibigan, at paratangan tayong walang pakikisama ay mabuti ng bitbitin na lang ang ipinakikidala.
Ang mga tumanggap naman, kung magkaminsan ay may loob din sa mga nagdala. Sila na ang nagkukusang tumatawag at kumukuha ng mga ipinadala sa kanila, kaya hindi na suliranin ang pagdadala sa mga kinau-ukulan. Madalas ding nagdadala naman sila ng kahit anong pakunsuwelo sa mga pinakidalhan tulad ng mga prutas at iba’t ibang masasarap na kakanin, na alam nilang kinsasabikan ng mga nagsisi-uwing balikbayan.
Subalit hindi laging ganito ang nangyayari. Kung may mga nakikidala na iniisip din ang magiging kalagayan at kakaharaping paghihirap ng mga pinakidalhan, marami rin ang nagsasamantala at ang naiisip lamang ay ang magiging kasiyahan ng mga tatanggap ng kanilang ipinakidala.
Mayroon akong kakilala na nagkaroon ng malungkot na karanasan tungkol sa mga padala. Mabait palibhasa at mapagbigay, hindi siya tumatanggi kapag may nakikidala sa kanya.. Ang kakilala kong ito ay tawagin na lang natin sa pangalang Celia.
Ang Masakit na Karanasan nina Celia Kaugnay ng Padala
Kasalukuyang kumakain ng tanghalian sina Celia ng magkiriring ang telepono.
Dahil ayaw niyang maabala sa pagkain ay hindi niya ito sinagot.. Sa loob-loob niya ay titigil din ang kung sino mang tumatawag.
Ngunit hindi tumigil ang kung sino mang tumatawag. Paulit-ulit na nagkiriring ang telepono, kaya kahit nasa kalagitnaan pa lang ng kanyang pagkain ay napilitan tuloy si Celiang sagutin ang telepono.
“Hello”, kahit naabala ay mapitagan pa ring tugon ni Celia.
“Hello, Celia. Si Carmen ito. Nabalitaan kong uuwi raw kayong mag-anak. Kailan ba ang uwi ninyo?
“Ikaw pala Carmen, sa ika 15 ng Disyembre. Hahabol kami ng Simbang Gabi sa atin, para naman maranasan naming muli ang Simbang Gabi at para rin maranasan ng aming mga anak. Teka sandali Carmen, iinom lang ako ng tubig. Kumakain kasi kami nang tumawag ka.”
“Ganoon ba, pasensya ka na, exited lang kasi ako ng mabalitaan kong uuwi raw kayo. Tapusin mo na muna ang pagkain mo at mamaya na ko tatawag ulit.” Hinging paumanhin ni Carmen.
“Hindi, tapos na ko. Nakainom na nga ako ng tubig. Sige, ituloy mo na yang sinasabi mo.”
“Isang linggo na lang pala at lilipad na kayo. Ilan ba kayong uuwi.”
“Kaming lahat, Bakit mo naitanong.” Kahit nahuhulaan na ni Celia ang dahilan ng pagtawag ng kaibigan ay itinanong pa rin niya.
“Dahil marami naman pala kayong uuwi, ay hindi naman siguro maka-aabala kung makidala ako para kina nanay at sa mga kapatid ko diyan sa Pinas. Puwede ba Celia.”
Sandaling natigilan si Celia. Tinapunan siya ng makahulugang tingin ng asawa Ang dami na kasi nilang dala-dalahan, bukod pa sa ilan ng padala na kanila ng tinanggap. Matalik na kaibigan palibhasa kung kaya’t hindi niya nakuhang tumanggi.
“Yon lang pala Carmen. Kailan mo puwedeng dalhin dito ang ipadadala mo, yon nga lang marami na kaming mga dala, dahil alam mo naman parehong malaki ang pamilya namin ni Tony, kaya kung maaari sana ay konti lang ang ipakidala mo.” Himig pakiusap na tugon ni Celia.
“Huwag kang mag-alaala Celia. Konti lang ang aking ipakikidala. Siguro sa Linggo ng hapon kami pupunta riyan. Okey ba yon sa inyo?
“Okey lang yon Carmen. Mga alas tres ng hapon kayo magpunta rito. Tamang-tama sa pag-eempake namin.”
Kinalingguhan, bagaman at pagod na ay naghanda pa rin si Celia ng pangmiryenda. Pamiminandalin pa niya ang kanyang kaibigang nakikidala. na maaga pa sa alas tres ay nakita na niyang pumaparada sa kanilang harapan.
Gayon na lamang ang panlalaki ng kanilang mga mata ng makita nila ang mga bitbit ng mag-asawang Carmen. Halos hindi sila makapaniwala. Mga kalahating maleta siguro. Masama man ang loob ay nakangiti pa ring pinapasok nila ang mag-asawa.
“Naku! Carmen, Tony, pasensya na kayo dito sa mga ipakikidala namin Di naman siguro kayo sosobra sa timbang dahil apat naman kayong uuwi. Tig-iisa lang naman ang binili namin para sa pamilya ko, at nakakahiya naman kung wala ang pamilya ng asawa ko, kaya ibinili ko na rin sila. Sana madala ninyong lahat, at sana rin huwag ninyong tanggihan ang konting perang ito. Paskong Pasko naman at siyempre kailangan din nilang mamili at maghanda para sa Pasko.” Banayad na wika ni Carmen.
“Mga magkano ba ang ipadadala ninyo?” matapos lumunok ng laway ay tanong ni Carmen.
“Tigtatatlong daan lang naman. Tatlong daan sa amin, at tatlong daan sa pamilya ng asawa ko. Okey ba yon sa inyo.”
“Matagal na hindi nakasagot ang mag-asawang Celia. Naisip nilang isang napakalaking intindihin ang pagdadala ng pera. Marami pa naman silang nababalitaang mga nakawan sa Pilipinas. Ngunit hindi pa rin nila nakuhang tumanggi.
Ang masakit, sumobra sa timbang ang mga dala-dalahan nina Celia. Kinailangan tuloy magbawas sila ng kanilang mga pasalubong. Punong-puno tuloy ang kanilang mga hand carry. Panay ang reklamo ng kanilang mga anak na lubhang nabigatan sa kanilang mga dala-dalahan. Dahil pa rin sa dami ng kargada, kung kaya, natagalan sila bago nakalabas ng paliparan. Gutom na gutom at pagod na pagod na silang mag-anak ng makita nila ang mga nainip at nakatulog na nilang mga nagsisundong kamag-anak. Dahil sobra silang natagalan, natikitan pa ang mga ito.
Sila pa rin ang naghatid sa mga kinau-ukulan ng mga padala. Napakalaking abala na hindi sana dapat na mangyari, kung naging maunawain lang at hindi nagmalabis sa kanilang kabaitan ang kanilang kaibigan.
Mga giliw na mambabasa ng Munting Nayon, sa palagay ko, hindi masama ang makidala, pero sana naman maging maunawain kayo sa magiging kalagayan ng inyong pakikidalhan. Alalahanin natin lagi ang kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, Huwag mong gawin sa kapwa mo”
Maligayang Pasko sa inyong Lahat