November 20, 2008

About Us

Now in its 20th year of publication, Munting Nayon News Magazine(MN) is published monthly and mailed to recipients, catering to the Filipino Community of The Netherlands, including some recipients in Belgium, Luxembourg, and other European countries as well as USA, Canada and the Philippines. MN is operated by couple Eddie Flores and Orquidia Valenzuela.
Eddie and Orquid
 

Picnic 2007


Gallery 1
Click to display Gallery 1
Gallery 2
Click to display Gallery 2
Gallery 3
Click to display Gallery 3
Gallery 4
Click to display Gallery 4
Gallery 5
Click to display Gallery 5
Photos courtesy of P.van As, P. Payoyo and Munting Nayon News Magazine

History

 
Disclaimer
Tag-lamig
by Manny G. Asuncion

Maikling salaysay tungkol sa buhay ng isang Pinoy sa Melbourne-Australia

August 26, 2008
Victoria, Australia

Kanina pa siya nakatayo roon. Sa hintayan ng tram sa kanto ng Bourke Mall at Swanston Street. Pinagmamasdan ang mga taong nagdudumaling sumasakay sa mga tram patungo sa Bundoora. Waring mga ibong uwak na dumarapo sa mga dambuhalang sasakyan.

Ewan kung bakit ayaw pa niyang umuwi ganoong pagod na pagod na siya mula sa maghapong pagtatrabaho. Marahil nililibang niya ang sarili sa pagmamasid ng mga butil ng buhay na nagsasalimbayan sa kanyang paligid. Nagmamadali. Humahangos. Mga walang-pangalang mukhang waring inaanod ng hanging tag-lamig.

MANNY ASUNCION

Tag-lamig. Nakababagot. Ang lamig na yaon na halos tumatagos sa kailiit-liitang himaymay ng kanyang kalamnan at buto. Ang mala-yelong hanging dumarampi sa kanyang mamad na mukha. Ang laging madilim na panginooring waring nagbabadya nang malakas na sigwa. Sa kapaligiran, naroroon ang tila mga kalansay na punong walang-awang hinubaran ng kanilang saplot ng nangungutya at humalakhak na hangin. Nagluluksa sa kahabaan ng matrapik na daan.

Napailing siya. Bakit ba siya naririto? Bakit ba siya nagtitiis sa ganitong kalamig na klima? Bakit ba siya nagtitiis na mangulila? Ang mag-isa sa kanyang flat sa Thornbury.

Dumagil sa kanyang kamalayan ang sinabi ng kanyang Ate Conching: “Dito sa Australya, di uso ang makisuno. Kailangang mamuhay kang mag-isa. Maging independent.”

Kung nalaman lang sana niya noong una. Akala niya’y magiging mahusay ang buhay niya. Pano ba naman ay ang mga kuwento sa kanya tungkol sa magandang buhay sa abroad. Masarap na pagkain. Mabuti ang klima. Parang air condition. Okey ang kita. May ubas. Kahel. Tsokolate. Mga pagkaing hindi mo mabibili kung pangkaraniwang empleyado ka lang. Hindi matrapik. Pero sa Pilipinas…

Napako ang kanyang paningin sa dalawang Australyanong nakaupo sa baldosang bangko. Naghahalikan nang husto at tila walang pakialam sa mundo. Sumundot sa kanyang isipan ang kanyang girlfriend na si Evelyn. Oo, nga. Halos tatlong taon na ngayon. Ang maganda at ang mabangong si Evelyn. Ang malambing nitong boses at ang mapanukso nitong ngiti na nagpapapitlag sa kanyang pagkalalaki. A, Evelyn…Evelyn…Nasaan na kaya si Evelyn ngayon?

Natatandaan pa niya. Ang huling araw nila sa Greenbelt, sa Makati. Halos may bikig ang kanyang lalamunan at wala halos katagang tumakas sa kanyang mga labi nang sabihin niyang lilipad siya patungo sa Australya. Ang katanungan ni Evelyn. Bakit? Bakit?

Talagang malungkot ang paghihiwalay nila sa Ninoy Aquino International Airport. Masakit.

Ang maluha-luhang si Evelyn habang nagpapaalaman silang dalawa sa airport: “Susulat kang lagi, ha?” ang bilin sa kanya ng nobya sa basag na boses habang mahigpit na hawak-hawak niya ang malambot na kamay nito.

Nagsumpaan silang di lilimot sa isa’t isa. Ipinangako niyang babalikan ang katipan. Oo, maghihintay si Evelyn.

Pero asan si Evelyn ? Wala na. Sa huling sulat nito, nag-asawa na raw. Ang higit na masakit, sa kaibigan pa niyang matalik. Ang hayup na Celsong yon. Bantay-salakay pala ang walanghiya.

Dalawang taon siyang naghimutok. Halos mabaliw sa di inaasahang pangyayari. Ang buhay niya ay naging walang hanggang tag-lamig. Inaliw na lamang niya ang sarili sa pagbili sa kung anu-anumang bagay na puedeng bilhin ng salapi. Casette. DVD. Damit. Sapatos. Pagpunta-Punta sa bar o sa massage parlor. Pero iba si Evelyn. Wala sa St Kilda si Evelyn. Wala ang halimuyak at sanghaya ni Evelyn.

May kirot na tumimo sa kanyang puso. Iniwaksi niya ang paningin sa dalawang naglalambutsingan. Hanggang ngayo’y talagang sariwa pa rin ang sugat ng pag-aasawa ni Evelyn.

May humintong pulis patrol sa kanyang harapan. Bahagya siyang naalimpungatan. Sa salamin ng bintana ng patrol ay nakita niya ang sarili. Sa wari niya’y tumanda siya ng sampung taon. May mga malalim na gatla na sa kanyang noo. Anong edad na ba niya? Beynte singko… Beynte singko… Subalit ang mukhang bumulaga sa kanya ay halos kuwarenta na.

Australya. Bumagsak siya bilang dishwasher sa isang Griyegong restaurant sa Lygon Street. Parang kalabaw ang trabaho. Sabi nga’y dyingle lang ang pahinga. Santambak na pinggan, kubyertos at kaserola ang lagi niyang kaulayaw. Sa umaga. Sa hapon. Sa gabi. Pag hindi pa pumasok yong tamad na Australyanong tagapag-linis, siya pa rin ang naglalampaso ng impaktong kusina at restaurant at kulang ang mga waiters, o siya pa rin ang tagapag-silbi pa rin sa mga parukyano.

Buwisit talaga. Nilayasan niya ang trabahong iyon. Tapos, napasok naman siya bilang process worker sa Richmond. Pabrika naman ito ng tela at siya ang nagpapaandar ng makina. Medyo magaan – gaan naman ang trabahong ito. Nakababagot nga lamang pagkat maghapon kang nakaupo at kailangan mo ng konsentrasyion. Bukod pa sa Aprikanong superbisor sa animo’y agilang pagala-gala na handang tumuklaw sa anumang sandali.

Napailing siya. Sa Pilipinas, accountant siya. Paesay-easy lang ang trabaho. Pero dito, hindi raw siya qualified. Halos napudpod na ang kanyang sapatos sa ka-aaplay. Santambak ang naisulat niyang applications. Hindi kinilala ang kanyang diploma. Wala raw siyang karanasan sa Australya. At higit sa lahat, hindi raw maintindihan ang Ingles niya. Hindi rin naman gaanong nakatulong ang Centre Link.

Nilulon niya ang pride. Sabi ng kanyang Ate Conching: “Hindi bale rito kung anuman ang trabaho mo. Ang mahalaga, kumikita ka. Period.”

Nagpapaandar pa rin siya ng makina hanggang ngayon.

Kiniskis niyang maige ang dalawang palad at nakadama siya nang konting init. Ayaw pa niyang umuwi. Tatayo pa siya roon. At sino naman ang gustong umuwi sa isang ulila at malamig na flat? Sawa na siya sa kapapanood ng TV. Sawa na siya sa kapapatugtog ng CD o casette tapes. Ayaw na rin niyang manood ng DVD o video. At halos nahabay na niya ang mga eskaparate sa Swanston Street at sa Elizabeth Street.

Noong unang dating niya sa Australya, excited siyang pumunta sa mga nakahambalang na sex shops at x-rated movies.Wala naman kasi nito sa Pilipinas, at kung meron man, patago lang nga at puro lokal pa. Pero sinawaan na rin siya. Pare-pareho rin namang histura at ginagawa ang makikita.

Naalala pa niya noong nagtatrabaho pa siya sa Makati. Pagkatapos ng opisina ay magpapasyal sila ni Evelyn sa Makati Supermarket. Magsa-shopping o titingin lamang sa Rustans ng mga imported at mamahaling bilihin. Kung minsan naman, sasakay sila sa Love Bus patungong Cubao. Magpapagala-gala sa Araneta Coliseum at magkahawak kamay pa habang kumukukot ng mani o butong pakwan. Madalas silang nanonood ng sine at nagpaparaos ng mga nakaw na ligaya sa otel.

Kung wala silang lakad ni Evelyn, sama naman niya ang mga barkada sa opisina. Magha-happy- happy sila at walang sawang mag-iinuman sa mga beer garden sa may Taft Avenue o sa mga beer houses sa rotunda ng Quezon Blvd hanggang madaling araw. Ginagalugad nila ang mga nightclubs sa Ermita, Mabini, Makati at Quezon City. Ang pulutang mani, sitsarong bulaklak at San Miguel beer. Nakikipagbiruan o nakikipagharutan sa mga malalanding waitress. A, ang masasayang araw na yon.

Bakit ba di siya napapagod noon? Kahit na alas dose na ng hatinggabi'y buhay na buhay pa rin ang kanyang diwa at katawan sa walang patumanggang ingay at tunog ng lunsod. Parang isang tag-sibol na puspos ng init at saya. Nang nakasisilaw na liwanag at walang hanggang aliw.

Subalit dito. Sa “lupang Pangakong” isinulat sa kanya ng kanyang Ate Conching, waring sinisipsip ang kanyang lakas. Pagod na pagod na siya pagkagaling sa trabaho. Ano bang nangyari? Hunyo. Hulyo. Agosto. Tag-lamig.

Babala sa kanya ng Ate Conching noong huling sulat nito bago siya lumipad patungong Australya: “Kung minsan, nagto-two degrees dito kaya magdala ka ng maraming panlamig.”

Para sa kanya, ang babalang ito ay walang matatag na hugis ng katotohanan. Subalit pagkalabas na pagkalabas niya mula sa paliparan ng Melbourne, sumalpok sa kanya ang malupit na dagok ng hanging taglamig. Nagsa-yelo ang tag-sibol at natunaw ang tag-init. Isang babala ng pagsalubong ng magiging buhay niya sa Australya.

Kinapa niya ang pakete ng sigarilyo sa bulsa ng kanyang diyaket. Kumuha siya ng isang sigarilyo at akma sana niya itong sisindihan pero nakita niya ang matandang babaing Australyanong may makapal na make-up at balahibuhing panlamig na buong talim na nakatitig sa kanya. Mabilis niyang itinago ang sigarilyo sa kanyang bulsa.

Ah, kelan kaya magbabago ang lintik na klimang ito? Ibig niyang humiyaw sa malaking pagkabagot. Tila ba nasa loob siya ng isang freezer at ibig niyang lumabas. Tumakas. At kumalas sa di makitang kadena ng lamig na mahigpit na nakapulupot sa kanya. Tumakbo patungo sa maluwang at mainit na bukid na kanyang sinilangan. Doon sa kanilang maliit na baryo sa probinsiya ng Laguna. Ang mga luntiang puno at damo at mga halaman at mga kabundukan. Ang rumaragasang alon ng dagat. Ang nakapapasong init ng araw sa mga dalampasigan ng Boracay. Miramar. Cresta Ola. Puerto Galera. Ang malambot subalit mainit na katawan ng kahali-halinang si Evelyn. Ang lahat ng mga ito ay isa na lamang panaginip.

Ang tag-init. Ang tag-init. Nasaan na?

Marahan niyang hinaplos ang nanlalamig na mukha. Masinop na inayos ang itim na beanie na nakasaklob sa kanyang ulo.

Kanina, sa pabrika, nag-uusap yong dalawang Australyanong nag-rorolyo ng mga tela. Katulad niya, nag-aasam din silang matapos na rin ang waring walang hanggang tag-lamig. “This bloody cold weather,” ang sabi noong isang blonde na Australyano. “Kung nabubuwisit na sa lamig na ang mga puting ito, ako pa kaya”, ang pampalubag-loob na bulong niya sa sarili.

Tiningnan niya ang kanyang pambisig relo. Mag-aalas sais na ng hapon. Sa bahagyang liwanag ng namamaalam na takipsilim, nakita niya ang petsa ng araw na iyon: Ika 30 ng Agosto. Bukas, katapusan na ng buwan. Sa susunod na araw, Setyembre na.

Ang Setyembre ayon sa kanyang Ate Conching ay tag-sibol na. Ang araw. Ang berdeng mga puno at mga halaman.

Magbabagong-bihis na naman ang mga yayat na punong waring nananaghoy sa mga lansangan. Kakaway na muli ang kanyang malalabay na sangang mapapalamutian ng mga kukunday-kunday na luntiang dahon ng tag-sibol. Ngingiti na namang muli ang araw.

Bigla, narinig niya ang malakas na dagundong ng mga bakal na gulong ng trambiya. Nag-uunahang na namang ang mga pasahero sa pagsampa sa estribu ng higanteng sasakayan. Nagigitgitan subalit walang tulakan. Hindi katulad sa pagsakay sa dyip at bus sa magulong Maynila.

Tinapunan niyang muli ng tanaw ang dalawang magkasintahang patuloy pa ring nagtutukaan sa baldosang upuan.

Pagkatapos, nag-uunahan ang mga paang umakyat sa dambulahang sasakyan kahit na ayaw pa niyang umuwi.

..O..

Tungkol sa Sumulat:

Manny G. Asuncion

Nagsimulang magsulat ng tula at maikling kuwento sa Filipino at Ingles noong labing-tatlong taong gulang lamang. Nag-migrate sa Victoria, Australia noong 1984.

Dating editor ng The Philippines Times sa Melbourne. Kasalukuyang kolumnista ng  The Philippine Community Herald (PCH)  sa Sydney at Pinoy News sa Melbourne.  Isa sa mga tagapagtatag ng Dulaang Bayan Melbourne Incorporated (DBMI) sa Victoria  at kasalukuyang artistic director at playwriter nito.

Dating manunulat sa Hilda, Ako Ito Pinky, Babae, Lino Brocka Presents at iba pang TV series sa Pilipinas.  

Lisensiyadong Filipino Translator at Interpreter sa Australia  at Vice President ng Filipino Community Council sa Victoria. 

Ngayon ay Lecturer In Charge ng Filipino Department sa Australian Defense Force.    

 

Renato Apuad
Wed 24th September 2008

Kahit ako'y nasa Pilipinas na, naramdaman ko ang saloobin ng may akda na wari ko ay nagmula sa sariling karanasan.
Sa maikling panahon ng aking pananatili sa Coburg, Victoria, matapos ang halos 12 taon ng pagtatrabaho sa Riyadh, alam ko na halos lahat ng ating mga kababayan sa Australia man o kahit saang sulok ng daigdig, ay natural lamang na makadama ng pangungulila kahalintulad ng "bida" sa maikling kwentong ito. Sana lamang ay alam din ito ng mga naiiiwanang mahal sa buhay dito sa Pilipinas upang mas lalo nilang mapahalagahan ang pagsusumikap ng mga OFW na ang tanging hangad ay maiahon sila sa kasalukuyang kahirapan.

Hangad ko na sana ay maraming makabasa sa akdang ito. Mabuhay ang Filipino, Mabuhay ang mga OFW!