November 20, 2008

About Us

Now in its 20th year of publication, Munting Nayon News Magazine(MN) is published monthly and mailed to recipients, catering to the Filipino Community of The Netherlands, including some recipients in Belgium, Luxembourg, and other European countries as well as USA, Canada and the Philippines. MN is operated by couple Eddie Flores and Orquidia Valenzuela.
Eddie and Orquid
 

Picnic 2007


Gallery 1
Click to display Gallery 1
Gallery 2
Click to display Gallery 2
Gallery 3
Click to display Gallery 3
Gallery 4
Click to display Gallery 4
Gallery 5
Click to display Gallery 5
Photos courtesy of P.van As, P. Payoyo and Munting Nayon News Magazine

History

 
 
Disclaimer
MGA GINTONG KWENTO
ni Rene Calalang

June 29, 2008 - Scarborough, Ontario

Si Tata Sinto

 

Ang natatandaan ko kay Tata Sinto, noong panahong ang aming baryo sa bayan ng Malolos ay isa pang liblib, kubli at maalikabok na lugar ay ang mga gabing silang mga ilang katandaan ay nangakaupo sa isang bangkong kawayan sa harap ng tindahan ng Tata Mino, na aming kapitbahay.

Ito ang panahong ang mga kable at alambre ng koryente ay hindi pa naigagapang sa matagal tagal na ring naghihintay na mga tuwid, mataas at payat at hinilamusan ng itim na alkitrang mga posteng kahoy ng Meralco.

Ito ang mga gabing sa paglalakad mo sa mga gabing ang buwan ay nakatago, ang mga ilaw ng nangaglipanang alitaptap ay kay gandang tingnan sa pagbibigay ng kaunting tulong na liwanag sa isang ulila at malungkot na gabi.

Ito ang panahong sa pagsapit ng takipsilim, kaming mga musmos at walang malay na nangakatapak at ang iba ay hubo ay nangaglalakad at nangagtatakbuhan dala ang isang mahaba, tuwid at payat na sungkit na tambong kawayan at naghahanap ng nagsasapot na mga gagamba na aming susungkitin at huhulihin at ikukulong sa kanilang bahay na gawa sa maliit na kahon ng posporong Gitara, na aming inumit sa taguan ni Impo. Kinabukasan ang mga ito ay aming paglalaban-labanin sa pinutol na siit ng walis na tinting

Ito ang panahong sa mga gabing ang buwan ay isang higanteng matang nakamasid sa natutulog at nagpapahingang sangkatauhan, ito ay nagbibigay ng pansamantalang liwanag sa madilim na sandaigdigan, upang ang mga kabataan sa aming baryo ay makapaglaro ng patintero at harangang taga.

Kami, kasama ang ibang kalaro, sapagka’t napakabata pa para sumali sa mga laro ng mga malalaki ng kabataan ay pinapayagan ng aming ina na maupo at makinig sa mga pagtatalo nina Tata Sinto at iba pang mga katandaan sa isang kundisyon na hindi kami aalis o lalayo, sapagkat sa pag-alis ay baka kami kuhanin ng isang higanting kapre na nakatira sa mga malagong kawayanan sa mga gilid ng mga sapa at patubig. Sa pagkakaupo sa bangkong kawayan ay buong paghanga kaming nakikinig sa mga salita at pangalang kanilang binabanggit na hinango sa mga aklat at bibliya.

Natatandaan ko na sa mga pagtatalo ay walang tumatalo kay Tata Sinto, sapagka’t sa mga nagtatalo ay siya lang yata ang nakatapos ng mataas na paaralan. Gayunman sapagka’t ang ilan sa mga katalo niya ay ministro ng ibang relihiyon gaya ng Iglesia ni Kristo, sa larangan na kasangkot ang bibliya ang mga ito ay binibigyan siya ng isang magandang laban.

Halatang may angking talino si Tata Sinto. Ang kaalaman niya sa larangan ng pulitiko, kasaysayan, palakasan, sa mga nagapap, nagaganap at magaganap sa daigdig ay kahanga-hanga gayong tapos lamang siya ng mataas na paaralan. Ngunit ang mataas na paaralan bago nagkadigma ay katumbas na sa kolehiyo ngayon, ayon sa mga matatanda.

Ang karunungang ito ay kaniyang nakuha sapagka’t siya ay may natural na hilig sa pagbabasa. Babasahin niyang lahat ang maari niyang basahin: mga iba’t ibang aklat sa iba’t ibang larangan na hiniram niya kung kani-kanino. Mga luma at bago-bagong pahayagan at magasin na ang iba ay naninilaw na sa katandaan. Mga lumang pahayagan at magasin na hiwa-hiwalay na at ginawa ng balutan ng tuyo at tinapa at supot ng pandesal at iba pang mga tinapay.

Ngunit sa kabila ng angking kakayahan, sa kabila ng hilig sa pag-aaral, si Tata Sinto ay nakatapos lamang ng mataas na paaralan. Pagkatapos ng mataas na paaralan, ayon sa bali-balita ay pinatigil na siya ng kaniyang ama, sapagka’t ang kaniyang ama, ayon sa bali-balita ay may kakatwa at di pangkaraniwang paniniwala. Ayaw ng kaniyang ama na sinuman sa kaniyang mga anak ang mamasukan o mangamuhan. Ang pamamasukan, ayon sa kaniyang ama ay nangangahulugang ikaw ay isang alipin, na ikaw ay ari ng isang nilalang na wala namang karapatan na ikaw ay ariin. At sapagka’t noong siya ay lumalaki ay panahong ang ama ang hari ng tahanan, ay wala siyang nagawa kundi tumigil na ng pag-aaral.

“Tulungan mo na lang akong magsaka. Mabuti ne’to kesa mamasukan ka. Dito sa bukid ikaw ang hari. Walang nagsasabi se’yo na gawin mo ito o gawin mo ire. Ikaw ang magpapasiya kung ano ang gusto mong gawin.”

Ito ang dahilan, kung bakit, ayon kay Tata Sinto, siya ay nasabak sa pagsasaka.

Iisa lamang ang naging kasintahan ni Tata Sinto sa buong buhay niya sapagka’t ito ang panahong ang iniidolo ng mga kadalagahan ay si Maria Clara. Ito ang panahong mahawakan mo lamang ang kamay ng iyong kasintahan ay para ka nang nakarating sa ikapitong langit. Ito ang panahong kapagka hinalikan mo ang iyong kasintahan ay kinakailangang pakasalan mo na siya sapagka’t ito ay nangangahulugang nabawasan na ang kaniyang puri o dili kaya kapag hindi mo pinakasalan at siya ay nagsumbong sa kaniyang ama at mga kapatid na lalaki ay humanda ka sapagka’t baka tadtarin ka ng kanilang matalim na itak.

Ang mapalad na babae ay si Nana Juana.

Dalawa ang naging anak nina Tata Sinto at Nana Juana. Sina Isabel at Rodrigo.

Namatay si Nana Juana noong ipinanganak niya si Rodrigo. Dinugo…ayon sa bali-balita. Isinugod siya sa panlalawigang pagamutan nina Tata Sinto at Nana Maria, na siyang komadrona sa aming baryo, sakay ng isang karetela, na ari ng Tata Hugo.

Nguni’t noong panahong iyon ang kalsada sa aming baryo ay batuhan at baku-bako at lubak-lubak at sa pagdaan ng karetela sa baku-bakong daan si Nana Juana at natagtag at lalo pang dinugo. Patay na si Nana Juana bago dumating ang karetela sa pagamutan. Naubusan daw ng dugo na siyang naging sanhi ng kaniyang kamatayan.

Bago daw namatay si Nana Juana ay hiniling daw niya kay Tata Sinto na pilitin at igapang kung kinakailangan paara makapag-aral ang kanilang dalawang anak. Sumumpa raw si Tata Sinto na kahit na ano man ang mangyari ay papag-aralin niya ang kanilang dalawang anak at iyon ay kaniyang paninindigan.

Ang huling bilin ni Nana Juana ang isa sa mga dahilan kung bakit pinaninindigan ni Tata Sinto ang pagpapa-aral sa kaniyang dalawang anak. Nadagdag pa nga rito na ayaw niyang maulit ang nangyari sa kaniya. Kaya ngayon ay handa niyang igapang, handa niyang isakripisyo ang lahat upang ang kaniyang dalawang anak ay magkaroon ng karunungan. Ang karunungan, ayon kay Tata Sinto ay isang kayamanang walang makaaagaw sa iyo. Ito ay isang malaki at magandang puhunan na kakailanganin upang harapin ang hamon ng hinaharap.

Noong ako ay mga labindalawang taong gulang na at nasa ikaanim na baitang sa mababang paaralan at may kaunti ng pakialam sa takbo ng buhay at daigdig, at may kaunti na ring nalalaman sa nagaganap sa kasalukuyan, na aking nalalaman sa pakikinig sa radyo na ari Pung Taming at Pung Iliang, na isa naming ninuno.

Ang mga dula at palabas sa radyo gaya ng KAPITANG KIDLAT, MGA KUWENTO NI LOLA BASIANG, JOHNNY DAVAO: PRIVATE DETECTIVE, GABI NG LAGIM, MGA BALITA NI SOTO sa umaga AT LUNDAGIN MO BABY ni JOHNNY DE LEON sa hapon ay mga palabas na aking sinusubaybayan at siyang pinanggagalingan ng aking kaunting nalalaman. Ang pagbabasa ng mga magasin gaya ng LIWAYWAY, BULAKLAK at ALIWAN ay nakatulong din upang madagdagan ang aking nalalaman.

Sapagka’t napakabata ko pa ay bawal na bawal sa akin ang magbasa o tumingin man lamang sa magasing TIKTIK. O kung magbasa man ako ito ay patago. May malupit na parusa kapag ako ay nahuling tumitingin sa magasing ito.

“Saan mo kinuha iyan?”

“Hiniram ko po ke kuwan.”

“Hindi mo ba alam na bawal se’yo ang tumingin sa magasing iyan.”

“Alam ko po.”

“Alam mo pala e bakit mo ‘ko sinuway.”

“Nakalimutan ko po.”

“Nakalimutan ha! DAPA!!!!”

Dadapa ako.

“Dapa ng deretso. Ilan ang matatagalan mo.”

“Isa lang po.”

“Bakit isa lang?”

“Masakit po.”

PAK!!!! Ang tunog ng hagupit ng sinturon o kaya sa pagtama ng tsinelas na katad sa aking puwitan. “ARAY KO PO.”

“Bangon!”

“Opo.”

“Pag nahulihan pa kitang nagbabasa niyan, alam mo bang gagawin ko se’yo.”

“Opo.”

“Anong gagawin ko?”

“IBIBITIN MO PO AKO NG PATUWAD.”

At sapagka’t ang aking kaunting nalalaman ay gusto ko pang madagdagan ay ipinasiya kong maging malapit kay Tata Sinto.

At sapagka’t ako ay may pagka usasero, ako ay naging paborito ni Tata Sinto. At sapagka’t gusto ni Tata Sinto na siya ay parating inuusisa upang mailabas ang kaniyang maraming nalalaman ay madalas kami ay nagkukuwentuhan.

“Totoo ba Tata Sinto na noong kayo ay nag-aaral ay luma sa inyo si gobernor kung aral din lang ang pag-uusapan.”

“Totoo ‘yon, iho.”

“E, kung totoo ‘yon, e bakit siya ay naging gobernador, e kayo, ‘eto, nagsasaka.”

“Ayaw nga akong papag-aralin ng aking ama.”

“Ba’t di kayo naglayas at nagpunta sa Menila para makapag-aral.”

“Hindi pa puwede no’n kasi no’ng panahon ko ay wala pang masyadong tarbaho sa Menila.”

“E, kung nakapag-aral kayo e ano naman ang kukunin ninyo?”

“Gusto ko sanang maging abogado.”

“Bakit ninyo gustong maging abogado?”

“E, kasi nga mahilig akong makipagtalo at saka mahilig din akong magbasa. At saka kung makikipagtalo ka, kailangang marami kang alam. Kung hindi ay pagtatawanan ka lang ng mga katalo mo.”

Ang dalawang anak ni Tata Sinto na sina Isabel at Rodrigo ay nagti-teen-ager na. Si Isabel ay labing-anim na taong gulang at si Rodrigo ay labing-apat. Nasa ika-apat na taon na ng mataas na paaralan si Isabel. Si Rodrigo ay nasa ikalawa.

Iba ang pagpapalaki ni Tata Sinto sa kaniyang dalawang anak. Mahigpit ang pagpapatupad ng kaniyang mga patakaran sa kanilang tahanan. May oras ng laro at may oras ng aral at may oras ng trabaho. Ang aral ang una bago ang lahat.

“Pag hindi kayo nag-aral, magiging kamukha ko kayo. ‘Eto ganito na lang. Tumanda na sa pagsasaka at mamamatay na rin sa pagsasaka. At saka iyan ang kabilin-bilinan ng ina ninyo bago siya namatay.”

“Ama, wala naman pong masama sa pagsasaka.”

“Wala nga. Pero ang daigdig ay napakalaki upang ang isang taong may angking dunong ay maging bilanggo ng isang napakaliit na daigdig.” Matalinghagang sasabihin ni Tata Sinto.

Walang hindi kakayanin si Tata Sinto basta sa pag-aaral ng kaniyang dalawang anak.

Gusto ni Isabel na maging Girl Scout. Kailangan niya ang uniporme at mga gamit. Nataong wala ng palay si Tata Sinto na puwedeng ibenta upang mabili ang mga pangangailangan ni Isabel. Pinuntahan niya ang Bumbay na usurero sa aming baryo na nagpapautang ng singko/sais.

“Pare, baka naman p’wedeng d’yes porsiyento na lang ang ipatubo mo. Sa pag-aaral naman gagamitin ang perang ito.”

“Hindi p’wede… ito talaga ang patubo ko. Kung ayaw mo ay sa iba ka na lang mangutang.”

Nagngingitngit na umuwi si Tata Sinto. “May araw rin sa akin ang hayop na iyan.

Sa kabila ng kahirapan ng paggawa sa bukid ni Tata Sinto, hindi niya inaasahang ang kaniyang dalawang anak ay maging katulong niya sa mga gawaing bukid. Ayaw niyang umitim ang mga ito sa pagkakabilad sa init ng araw. Ayaw niyang magkulay kalawang ang mga kuko nito at mamalikaskas ang mga balat sa binti at braso sa pagkakababad sa tubig sa putikang bukid. Ayaw niyang magalusan ang mga binti at braso ng mga ito sa tusok ng mga tinik ng makahiya. Nauunawaan niya na ang kaniyang dalawang anak na nasa delikadong gulang.

“Huwag lang nila akong susuwayin.” Sabi sa akin ni Tata Sinto isang hapong kami ay nasa kanilang kubo at ako ay nagpapastol ng aming kalabaw.

“E…pa’no kung suwayin kayo?”

“Isusumpa ko sila.”

“Magagawa n’yo ‘yon?”

“Ba’t hindi. Ang lahat naman ng ginagawa ko ay para sa kabutihan nila. At saka ibahin mo ‘ko…kahit ganito lang ako ay marunong akong manindigan”

DALA marahil ng kabataang kulang sa laya sa mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran sa kanilang buhay ay nagrebelde si Isabel. Natapat pa naman na mayroong nagkagusto sa kaniya na isa niyang kamag-aral na isang mayamang mestisong Intsik na taga karatig bayan. Nataunan naman na chrush din iyon ni Isabel at sila ay naging magkasintahan.

Sa isang vacant period sila ay nag-uusap habang naglalakad.

“Magtanan na kaya tayo. Ayaw ko ng mag-aral.”paghahamong sabi ng kasintahan ni Isabel.

“Ayaw ko. Ke bata bata pa natin at saka pa’no tayo mabubuhay?”

“Nakalimutan mo na ba. Nag-iisang anak ako. Tutulungan na lang natin sina Papa at Mama sa pag-aasikaso ng kanilang negosyo. Do’n lang ay buhay na tayo.”

“Isusumpa ako ni Ama kapag hindi ako nakatapos ng pag-aaral.”

“Sa umpisa lang iyon. Patatawarin din tayo niyon pag matagal tagal na.”

“E, kung hindi tayo patawarin.”

“Sa umpisa hindi s’yempre. Pero walang magulang na nakatiis sa anak.”

At sila’y nagtanan. Isinumpa nga ni Tata Sinto na hindi makapapanhik sa kanila sina Isabel hanggang sa kaniyang kamatayan. “Walang hiyang bata iyan. Ginagawa mo ang lahat na dahil sa kan’ya ay ito ang iginanti sa ‘kin.”

Ginawang lahat ng mga balae ni Tata Sinto ang kanilang magagawa upang sina Isabel ay makapanhik.

Nilapitan nila ang tiniente del baryo. Sorry. Sila ay hanggang sa ibaba lang ng hagdan.

Isinama nila ang isang kumpare ni Tata Sinto. Sila ay hanggang sa tarangkahan lamang.

Nakiusap sila kay Meyor. “Anong meyor-meyor sa ‘kin.” Sabi daw ni Tata Sinto. Ni hindi niya pinakiharapan sina Meyor.

Makalipas ang isang taon ay may anak na sina Isabel. Lalaki at ito ay ipinangalan nila kay Tata Sinto. Jacinto Chua ang tunay na pangalan ng bata.

Sa pagkakaroon ng apo ay nagbakasali silang baka magbago ang paninindigan ni Tata Sinto. Muli sila ay nagtangkang makapanhik. Muli sila ay nabigo. Ni hindi sila pinagbuksan ng pinto ni Tata Sinto.

Dala marahil sa magkasama at magkahalong hirap ng pagsasaka at sama ng loob dahil sa nilabag ni Isabel ang kaniyang kagustuhan at sapagka’t may edad na rin naman si Tata Sinto ay kapansin pansin ang kaniyang pagiging malungkutin at panlulumo. Kapuna-puna rin ang biglang paghulog ng kaniyang katawan.

Ngayon sa pag-upo sa bangko sa tindahan ng Tata Mino, si Tata Sinto ay hindi na nakikipagtalo. Naroon siya sapagka’t naroon siya. Madalas siya ay nakatingin sa malayong panginorin at nakatunganga sa kawalan. Sa pagkakaupo siya ay tila tulala, mandi’y wala sa sarili, para bang ang buhay ay wala ng kahulugan at ang kapaligiran ay wala ng halaga.

Isang umaga ay bigla na lamang kumalat ang balita. Namatay si Tata Sinto. Binangungot daw. Natulog daw at hindi na nagising.

Nag-anas-anasan ang mga tao sa aming baryo. Nakapanhik daw ba ang anak at ang manugang.

Hindi.

Ang huling bilin daw ni Tata Sinto sa kaniyang anak na si Rodrigo ay kung siya ay mamamatay ay iburol siya sa pinakamumurahing ataol na kahoy, sapagka’t ang ataol na kahoy ay madaling mabulok at siya ay ibaon sa puntod at hindi sa nitso sapagka’t siya ay nanggaling sa alikabok at gusto niyang sa alikabok ring magbalik.

Ibinilin din daw niya na kung siya ay paglalamayan ay huwag tatagal ng dalawang araw sapagkat kahit na ano mang tagal ng paglalamay ay hindi na siya muling mabubuhay.

Sa isang dating madalas na katalo na ministro na Iglesia ni Kristo ay ibinilin daw ni Tata Sinto na kung totoo ngang ang tao ay may ispiritu at ito ay makababalik sa lupa, siya ay babalik ay sasabihin sa kaniya kung totoo nga na may langit at impyerno. Kung hindi raw siya bumalik ay kalokohan lang iyong langit at impyerno at saka ‘yong ispiritu ng tao.

Nakipaglibing ako kay Tata Sinto. At sa pagbaba ng kaniyang ataol sa hukay na paglalagakan ng mga alaala ng kaniyang minsang pagkabuhay ay buong paggalang na inusal ko sa aking sarili ang isang maigsi at taimtin na dasal.

Sa aking murang isip ay alam kong hindi tama ang mga ginawa ni Tata Sinto. Ang hindi pagpapatawad sa kaniyang anak na si Isabel. Ang pagtiis na hindi makita ang kaniyang manugang at apo.

Ngunit siya’y hinangaan ko sa tibay ng kaniyang paninindigan.

..Wakas..

 

corazon abad macaranas
Thu 7th August 2008

......napakagaling at napakatamis ng mga pangungusap na ginamit.
naglalarawan ng isang ginintuang kamusmusan.
isang pagbabalik sa mga alaala na isang tunay na Pilipino lamang ang makapaglalarawan.......
salamat...